Advertisers

Advertisers

MAGING PATAS KAYA SI TRICKY TSIS SA IMPEACHMENT COMPLAINT NI MISFIT SARA?

0 22

Advertisers

PANGUNAHING requirement sa impeachment trial ni Misfit Sara ang “political neutrality” ng Senado bilang impeachment court. Kailangan maging patas ang Senado dahil ito ang hukuman na didinig at lilitis kay Misfit Sara sa mga paratang na inilatag ng Camara de Representantes sa kanya. Ito ang magdedesisyon kung guilty o hindi siya sa paratang sa kanya.

Kailangan maging patas si Tricky Tsis dahil siya ang pangulo ng Senado na naatasan tumanggap para sa Senado ng Articles of Impeachment na ipinasa, nilagdaan, at pinanindigan ng 240 kasaping mambabatas ng Camara. Taglay ng dokumentong ito ang mga paratang ng krimen at paglabag sa Konstitusyon ni Misfit Sara.

Batay sa Konstitusyon, obligado ang Senado na “agad” magpulong at buuin ang sarili bilang hukuman na didinig at lilitis sa mga bintang kay Misfit Sara. Malinaw ang salitang “forthwith” sa Saligang Batas, ngunit sadya itong binaluktot ni Tricky Tsis sa hindi malaman na dahilan kundi kumiling at kampihan si Misfit Sara sa kanyang krisis.



Hindi patas si Tricky Tsis at may sapat na dahilan upang magduda kung patas ang kasalukuyang Senado o ang susunod sa impeachment trial ni Misfit Sara na uumpisahan sa ika-30 ng Hulyo ng taong ito. May dahilan kung bakit kailangan maging patas ng Senado sa bawat kasong impeachment na dinadala sa kanilang hapag.

Ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Chief Justice Renato Corona v. Senate of the Philippines Impeachment Court na ibinaba noong 2012, isang “political process” ang isyung impeachment at tanging ang Lehislatura na binubuo ng Senado at Camara de Representantes ang may kapangyarihan na magdesisyon.

Pinanday ng desisyon ang doktrina na walang kapangyarihan ang Hudikatura na makialam at maghatag ng opinyon sa kasong impeachment. Ito ang dahilan kung bakit isinantabi ng Korte Suprema ang magdesisyon ng kuwestiyunin ang kapangyarihan ng Senado sa impeachment trial ni Corona. Ito ang desisyon na nagtakda ng hangganan ng poder ng tatlong sangay ng pamahalaan – Kongreso, Ehekutibo, at Hudikatura – sa usaping impeachment.

Dahil sa political process ng isyung impeachment na dinala ng Camara sa Senado laban kay Misfit Sara, kinakailangan na maging patas ni Tricky Tsis. Dahil siya ang pangulo ng Senado, kailangan makita si Tricky Tsis na walang pinapanigan, kinakampihan, o pinapaboran sa mga naglalabang pwersa sa isyu ni Misfit Sara. Kailangan malinis si Tricky Tsis sa anumang hinala.

Paghambingin natin ang impeachment trial ni Punong Mahistrado Renato Corona noong 2012 at ang napipintong paglilitis ni Misfit Sara na mag-uumpisa sa ika-30 ng Hulyo ngayong taon. Masdan ang malaking diperensya upang pagdudahan ang political neutrality ni Tricky Tsis.



Ika-11 ng Disyembre, 2011 nang ihatag at inaprubahan ng Camara ang impeachment complaint laban kay Corona at abot sa 188 kasaping mambabatas ng Camara ang lumagda. Kinabukasan (ika-13 ng Disyembre), ipinadala ng Camara ang Articles of Impeachment na tinanggap ng tanggapan ni Juan Ponce Enrile, ang pangulo ng Senado noon. Ika-15 ng Disyembre ng pormal na tanggapin ni Corona ang reklamo laban sa kanya.

Petsa ika-26 ng Disyembre ng sumagot si Corona sa reklamo laban sa kanya at dahil sa kanyang pagsagot, pormal na gumulong ang pagdinig at paglilitis kay Corona. Nag-umpisa ang pormal na pagdinig noong ika-16 ng Enero, 2012 at kagyat na humingi ang kampo ni Corona na itigil ang paglilitis dahil sa kawalan umano ng legal na batayan.

Pormal na nilagdaan noong ika-5 ng Pebrero, 2025 ng 240 kasaping mambabatas ng Camara ang Articles of Impeachment. Tinanggap ito ni Tricky Tsis, ngunit tumanggi siyang kumilos dahil recess ang Kongreso. Nagkanya-kanyang lakad na umano ang mga kasaping senador. Bukod diyan binigyan diin ni Tricky Tsis ang baluktot na katwiran na ang salitang “forthwith” sa Saligang Batas ay hindi nangangahulugan ng agaran.

Dito pinagtawanan si Tricky Tsis sa kanyang baluktot na unawa. Nabisto ang kababawan ng kanyang lohika sa isyu. Nabisto ang kulay na salawal at nahalata na kinikilingan niya si Misfit Sara. Nahuli ang kanyang maitim na plano na kunin ang political constituency ng mga Duterte sa mga nahuhuling sektor ng bansa na nasa katimugang Filipinas. Nabisto ang plano na tumakbo sa halalan ng 2028.

Hindi patas si Tricky Tsis sa isyu. Panig siya kay Misfit Sara at gusto niyang pumabor ang Senado sa kanya. Nais niyang kunin ang suporta ng mga Duterte at kahit ang China sa 2028. Hindi mapagkakatiwalaan si Tricky Tsis sa isyu. Mainam na pangalagaan ang sarili mula sa katusuan ng madulas na operator na si Tricky Tsis.

***

BUMABALONG ang kilusan sa mga gobyernong lokal na kanselahin ang kanilang kontrata na ibinigay sa PrimeWater Services ang karapatang patakbuhin ang tubig ng ilang mga siyudad, bayan, at lalawigan. May mga LGUs na hindi natuwa sa serbisyo ng PrimeWater. Nagrereklamo ang mga mamamayan sa kawalan ng kakayahan ng PrimeWater na magbigay ng malinis at maiinom na tubig sa mga mamamayan.

Abot sa 20 LGU na ang nais na agarang tapusin ang kontrata nila sa PrimeWater at muling kunin ng kanilang water district ang operasyon ng tubig. Naunang hiningi ng Malakanyang ang pagsisiyasat sa kontrata ng Primewater sa mga LGU. Mukhang tuloy tuloy na ito pagkatapos ng halalan. Ibabalik ang tubig sa mga LGU at aalisin sa PrimeWater. Magiging disyerto ang kompanyang tubig ng mga Villar na mas pinili ang mga Duterte kesa kay BBM.