Advertisers
Ni Archie Liao
AYON kay Karla Estrada, wala pang bagong babae si Daniel Padilla mula nang magkahiwalay sila ni Kathryn Bernardo noong 2023.
Sa ngayon daw ay nakapokus sa kanyang trabaho si DJ lalo pa’t umaariba naman ang teleserye nitong “Incognito” kasama sina Richard Gutierrez, Ian Veneracion at Baron Geisler.
Ramdam din niya na meron pang pagtatangi ang anak kay Kathryn na nakarelasyon ng aktor for 11 years.
Sey pa ni Karla sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa vlog ng huli, wala pang kapalit si Kathryn sa puso ng anak kung pagbabatayan ang kanyang kutob.
Aminado naman siyang hindi siya iyong tipong “usi” sa anak dahil iginagalang din niya ang pribadong espasyo nito.
Hirit pa niya, bilang lalake, hindi rin daw ganoon ka-open si Daniel na mag-confide sa kanya pagdating sa lovelife.
Never din daw itong umiyak o nagpakita ng kahinaan sa harap niya kahit may pinagdaraanan ito.
Basa naman niya na kaya hindi nagpapakita ng kahinaan ang anak sa kanya ay mas gusto nitong protektahan siya.
Aware raw kasi ang anak na kung meron mang labis na masasaktan sa dinaranas nito ay walang iba kundi siya.
Ipinamulat din daw niya sa kanyang mga anak na bahagi ng mga pagsubok sa buhay ang minsan ay masaktan pero ang importante ay kung paano babangon.
Katunayan, noon daw magkahiwalay ang KathNiel, binalaan daw niya ang anak na ihanda ang sarili dahil hindi magiging madali ang lahat.
Tungkol naman sa kanyang lovelife, aminado naman si Karla na may mga nagpaparamdam sa kanya.
Gayunpaman, pagkatapos daw ng huli niyang relasyon, naging maingat na rin daw siya.
Nilinaw din niya na hindi ang mga anak niya ang nagbabawal sa kanya para muling magkaroon ng partner.
Kung tutuusin, open naman daw ang kanyang mga anak sa ideya pero sa huli ay choice pa rin daw naman niya kung muling iibig.