Advertisers

Advertisers

TRICKY TSIS: TAPOS NA HALALAN, IMPEACHMENT TRIAL NAMAN NI MISFIT SARA

0 23

Advertisers

MALINAW ang hatol na bayan sa nakalipas na halalan. Maaaring hindi natin gusto ang ilan sa mga nahalal, ngunit ganyan ang demokrasya. Malalagay sa poder ang gusto ng mas marami. Sila ang uugit ng kapangyarihan sa kanilang tanggapan at termino.

Gayunpaman, tuloy na tuloy ang impeachment trial ni Misfit Sara. Bago matapos sa ika-30 ng Hunyo, ang termino ng mga mambabatas sa ilalim ng kasalukuyang Kongreso, magpupulong ang mga senador sa ika-2 ng Hunyo upang buuin at aprubahan ang Rules of Procedure na gagamitin sa paglilitis ni Misfit Sara. Walang pagbabago sa itinakdang paglilitis na nagsisimula sa ika-30 ng Hulyo.

Dahil “continuing institution” ang Senado, mag-iiba ang komposisyon ng papasok na Senado sa ika-30 ng Hunyo. Mawawala ang mga tulad ni Bong Revilla at Francis Tolentino na pawang natalo sa kanilang reeleksyon. Mawawala ang mga tulad ni Cynthia Villar at Grace Poe na pawang natapos ang kanilang pangalawang termino.



Papasok ang mga bagong halal tulad ni Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Tito Sotto, Ping Lacson, Erwin Tulfo, Rodente Marcoleta, at Camille Villar. Babalik si Imee Marcos at Pia Cayetano at makakasama nila ang natitirang 12 senador na hindi napasabak sa nakaraang eleksyon.

Hindi ang bagong Senado ang kinakatakutan naming upang ipawalang sala si Misfit Sara sa mga paratang sa kanya. Maraming mangyayari at mararamdaman lang natin kung saan pumaling ang hangin sa sandaling ilabas ng taga-usig ang mga ebidensiya na hawak nila laban kay Misfit Sara. Mukhang mananalo ang mga mahuhusay na mambabatas na kasapi ng Prosecution Team tulad ni Jinky Luistro, Joel Chua, at Lorenz Defensor. Sila ang magdadala ng laban sa paglilitis.

Mas nangangamba kami sa uri ng liderato ni Tricky Tsis sa sandaling pulungin niya ang Senado bilang impeachment court at pagulungin ang proseso ng paglilitis kay Misfit Sara na humaharap sa pitong paratang batay sa Articles of Impeachment na inaprubahan at nilagdaan ng 240 kasaping mambabatas ng Camara de Representante.

Malaki ang kapangyarihan ni Tricky Tsis bilang pangulo ng Senado. Siya ang presiding officer ng Senado bilang hukuman at may kapangyarihan sa pagtatakda ng mga alituntunin at gabay sa paglilitis ni Misfit Sara. Maaari siyang pabagalin at pabilisin ang proseso at siya rin ang may poder upang manipulahin ang paglilitis.

Dahil nabalam ang prosesong impeachment batay sa desisyon ni Tricky Tsis na pulungin ang Senado sa pagbubukas ng regular na sesyon ng Kongreso sa ika-2 ng Hunyo, may pangamba na kakampihan ni Tricky Tsis si Misfit Sara.



Mukhang inaasinta ni Tricky Tsis ang halalan sa 2028. Kasama ang impeachment trial ni Misfit Sara bilang hagdan upang kumandidato siya sa 2028. Hindi maipagkakaila ni Tricky Tsis ang kanyang plano at hindi siya nagbibitiw ng malinaw na salita sa kanyang plano sa 2028.

Sa ganang amin, mas maganda na palitan ng mga senador ang kanilang pangulo sa bagong Senado. Mas pinapaboran namin na ibalik si Tito Sotto.bilang kapalit ni Tricky Tsis. Maaaring hindi siya kasinggaling ni Tricky Tsis dahil hindi siya abugado, ngunit naniniwala kami na wala siyang nakatagong pakay (hidden agenda) kung siya ang magiging presiding officer sa paglilitis kay Misfit Sara. Mas magiging patas siya sa laban.

Hindi maglalabas na anumang nakakagulat na order, memorandum, o circular, o utos na kakanal sa paglilitis ni Misfit Sara. Sa maikli, hindi kasing tuso o kasing dulas ni Tricky Tsis si Tito Sotto. Abangan…

***

ILANG sandali bago ang halalan noong Lunes, nanawagan si Luke Espiritu, isang kandidato, na maghimagsik at itakwil ang mga peke at totoong survey na kumundisyon ang sa isip ng mga botante. Tama si Luke. Baka sa susunod, Luke.

***

HINDI kakampihan ni Bong Go at kahit si Bato dela Rosa si Misfit Sara sa sandaling simulant ang paglilitis. Matapat si Bong Go at Bato kay Gongdi na kasalukuyang nakapiit sa kulungan ng ICC sa Scheveningen, The Netherlands at hindi nila ikinakaila ang kanilang katapatan sa baliw, ngunit maiging malinaw – hindi sila tapat kay Misfit Sara.

Dahil nanguna umano si Bong Go sa halalan sa Senado, batid namin na nag-aambisyon na rin siya upang maging pangulo sa 2028. Kahit wala siyang karisma, o winning face, alam ni Bong Go na may tsamba siya sa 2028. Maglalayag mag-isa si Bong Go at kakawala sa impluwensya ng mga Duterte. Bilang isa sa mga hukom, hindi niya ipawalang sala si Misfit Sara dahil alam niyang hadlang ito sa kanyang pangarap.

Alam ni Bong Go na may suporta siya sa China at sektor ng DDS.Alam niya na makakagulo lang si Misfit Sara sa kanyang mga political plan. Hindi niya kontrolado si Misfit Sara at mas maganda kung nawala na siya sa larangan ng pulitika. Tingnan natin kung paano niya lalaruin si Tricky Tsis.

Maaaring mangyari lang iyan kung hindi bababa ang arrest warrant ng ICC at kung hindi siya dakpin kasama ni Bato at dadalhin sa piitan ng ICC. Batid namin na kinakabahan si Bong Go at Bato. Abangan na lang natin ang kapana-panabik na kabanata.