Advertisers
APAT na Filipino seafarer ang patuloy na iniimbestigahan sa South Korea, habang 16 na ang nakauwi na sa Pilipinas kasunod ng record-breaking na drug bust ng Korea Coast Guard.
Sa isang press briefing nitong Miyerkules, tiniyak ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na maayos na tulong ang ibinibigay sa kanila. “Rest assured dun sa (tungkol sa) M/V Lunita seafarers, patuloy kaming magbibigay ng kinakailangang legal na tulong sa apat na natitira, dalawa ang naaresto, at dalawa ang persons of interest. Patuloy kaming nagbibigay ng tulong,” ani Cacdac. “Para sa 16, nagbigay kami, at nagbibigay pa rin ng tulong pinansyal at psycho social,” dagdag niya.
Ayon kay DMW Undersecretary Felicitas Bay, dalawang batch ang dumating sa bansa noong Mayo 11 at 12 ang mga repatriated seafarers.Malugod silang tinanggap ng pinagsamang pangkat ng DMW–OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) bago i-turn over sa kanilang licensed manning agency (LMA) para sa debriefing.
Sinabi ni Bay na pinapadali ng DMW ang kanilang dokumentasyon at nakikipag-ugnayan sa may-ari ng barko para sa pagproseso ng tulong pinansyal at mayroong legal retainer na tumutulong sa dalawang seafarer at sa dalawa pa. Ang apat ang kasalukuyang nasa ilalim ng imbestigasyon at meron na pino-provide na legal counsel.
Ayon sa mga ulat, dumating ang M/V Lunita, kasama ang 20 Filipino crew, sa Okgye Port sa Gangneung, Gangwon Province noong Abril 1. Noong Abril 2, inspeksyon ng mga opisyal ng South Korea mula sa Korea Coast Guard at Seoul Regional Customs Office ang barko kasunod ng tip mula sa United States Federal Bureau of Investigation (FBI) at Homeland Security Investigations.
Mahigit sa dalawang tonelada ng pinaghihinalaang cocaine ang natuklasan sa isang nakatagong compartment sa silid ng makina ng barko, na tinawag ng mga awtoridad na pinakamalaking pag-agaw ng droga sa kasaysayan ng South Korea. (JOJO SADIWA)