Advertisers

Advertisers

LAMPAS P5-B GASTOS NI CAMILLE SA KAMPANYA

0 63

Advertisers

PAGKAHABA-HABA ng prusisyon, sa simbahan rin ang tuloy. May mga bagay na gusto natin sa resulta ng nakalipas na halalan, mayroon hindi. Dalawa ang nagdudumilat na katotohanan sa pagkatapos ng halalan: una, nanatiling nakakulong si Gongdi sa piitan ng International Criminal Court (ICC) sa Scheveningen, Olandiya dahil nahaharap siya sa sakdal na crimes against humanity na isinampa sa kanya sa ICC; at ikalawa, haharap sa impeachment trial si Misfit Sara sa Senado na pupulungin upang maging hukuman.

Haharap sa ika-23 ng Setyembre si Gongdi sa ICC PreTrial Court (PTC) upang kumpirmahin ang sakdal na crimes against humanity laban sa kanya. Magdedesisyon ang PTC sa loob ng isang buwan kung haharap o hindi si Gongdi sa paglilitis ng ICC. Inaasahan na magiging positibo ang desisyon ng ICC PTC dahil bukod sa santambak ang mga ebidensya, malakas ang mga ito. Hindi inaasahan na makakabalik si Gongdi sa bansa dahil inaasahang tatagal ng mula tatlo hanggang walong tan ang paglilitis sa kanya.

Hindi nagwawakas kay Gongdi ang krisis ng pamilya Duterte sa bansa. Nahaharap si Misfit Sara sa impeachment trial. Sa pagtatapos ng halalan, gumagalaw na ang impeachment trial. Muling magbubukas ang regular na sesyon ng Kongreso at sa ika-2 ng Hunyo, ihaharap ang Rules of Procedure na gagabay sa paglilitis ng Senado bilang impeachment court kay Misfit Sara.



Hindi pa nahahayag ang mga detalye ng mga alituntunin na gagabay sa Senado bilang hukuman na lilitis kay Misfit Sara. Iminumungkahi na manmanan maigi si Tricky Tsis dahil madulas at tuso siya. Nakakatakot isipin na magsingit siya ng mga teknikalidad na maaaring maging dahilan upang makalusot si Misfit Sara. May mga pangamba na may nakatagong pakay (hidden agenda) si Tricky Tsis upang lumutang siya na kandidato sa panguluhan sa 2028.

***

NAKAKALULA ang tindi ng gastos ng pamilya Villar upang ipanalo si Camille sa pagka-senador. Sa huling pagtataya, lampas sa P5 bilyon ang gastos nila sa buong kampanya. Batay sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) kamakailan, gumastos na ang kampo niya ng P3.5 bilyon sa campaign ads sa broadcast media (radio at TV), print media (pahayagan at magasin), at social media mula Enero, 2024 hanggang katapusan ng Marso.

Hindi kasama ang gastos noong Abril at Mayo, ang panahon na pinaka-kritikal sa kampanya dahil dito ibinubuhos ang natitirang lakas at salapi upang manalo. Hindi malayo na abot ito sa humigit kumulang na P2 bilyon. Kahit gumasts sila ng P3.5-B, hindi umangat ang kampanya ni Camille hanggang Marso at tanging ang huling salya noong huling lima o apat na linggo ang nagdala sa kanya sa tagumpay.

Kinailangan ni Camille ang basbas ni Misfit Sara upang umangat. Sa laki ng kanilang gastos sa kampanya, pangsampu lang si Camille. Kahit kasama sila sa mga nanguna, gumastos ng bilyon-bilyong piso si Bong Go at Bato dela Rosa, ang dalawang sangkot sa war on drugs ni Gongdi. Labis na kinatatakutan ng dalawang senador ang posibilidad na bigla na lang silang dakpin dahil sa kanilang papel sa war on drugs ni Gongdi.



May umugong balita na may inilabas na arrest warrant ang ICC laban sa kanila. Totoo man o hindi (walang magsasabi ng katotohanan sa isyung iyan), nangangatal sa takot at kaba ang dalawang alipures ni Gongdi. Hindi dahilan ang kanilang reeleksyon bilang senador upang pigilan ang ICC sa kanilang pagdakip at pagkulong sa dalawa. Hindi makukuha ang ICC sa takbo ng pulitika ng bansa upang lumambot sa pagtugis sa kanila. May akusasyon sa kanila bilang mga kriminal na sangkot sa madugo pero palpak ng digmaan kontra ni Gongdi na kumitil ng humigit-kumulang 30,000 katao.

Samantala, gumastos rin si Imee Marcos ng bilyon-bilyon piso sa kampanya, ayon sa ulat ng PCIJ, ngunit siya ang huli sa 12 na nanalo bilang senador. Bilyon-bilyon piso ang gastos nina Bong Revilla, Francis Tolentino, Abby Binay, at Benhur Abalos sa kanilang campaign ads pero hindi sila pinalad. Mas masakit ang nangyari kay Francis Tolentino, ang mapagpanggap na mambabatas na kontra China pero kampi siya sa totoo. Mas marami pang boto sa kanya si Heidi Mendoza na gumastos ng hindi lalampas sa P2.5 milyon. Walang organisasyon o lapian si Heidi at tanging suporta ng mga tagahanga ang sinandalan sa kandidatura niya.

***

LUMAKAS ang Prosecution Team ng Camara de Representantes nang tanggapin nina Leila de Lima at Chel Diokno ang alok ni Ispiker Martin Romualdez na sumama sa mga mambabatas ng uusig kay Misfit Sara sa paglilitis ng huli sa Senado bilang hukuman. Hindi matatawaran ang kanilang husay, galing at lalim ng unawa sa batas upang mausig si Misfit Sara. Solido ang pangkat ng mga taga-usig at bigyan natin ng kredito si Ispiker Martin sa kanyang foresight na palakasin ang pag-uusig sa isa pang kriminal na si Misfit Sara.

Muling nanalo si Joel Chua bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Maynila, Jinky Luistro ng ikalawang distrito ng Batangas, at Lorenz Defensor ng ikatlong distrito ng Iloilo kaya walang dapat ipangamba sa magiging takbo ng Prosecution Team ng Camara sa Senado bilang hukuman. Nanatiling malakas ang prosecution team pero dapat manmanan si Tricky Tsis dahil sa kanyang katusuhan.

***

HNDI natapatan ni Sonny Trillanes ang laki ng salaping ipinamudmod (o ipinambili ng boto) ni Along Malapitan sa kanilang tunggalian sa Caloocan City. Walang pera si Trillanes dahil umasa siya sa tulong at kontribusyon ng mga kaibigan at tagasuporta. Walang Polong si Trillanes sa halalan. May balita na bumuhos ng limpak limpak na salapi si Polong upang matalo si Trillanes. Hindi nakakapagtaka dahil matindi ang galit sa kanya ni Polong.

Si Trillanes ang dahilan upang bakit nakakulong si Gongdi sa Olandiya. Hindi ito ipinagkaila ni Trillanes sa buong panahon ng kampanya. Ipinagmalaki niya ito dahil ito ay totoong totoo. Bata pa si Trillanes. Makakabangon siya. Marunong siya at hindi pipitsugin tulad ng mga ibang pulitiko na palpak. May puwang siya sa bansa na nangangailangan ng matinong liderato.