Advertisers
Una sa lahat, nagpapasalamat ang Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Sec. Gilbert Cruz, sa kanyang pagdalo sa buwanang ‘MACHRA Balitaan” na aming isinagawa sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila.
Talaga namang larawan ng kababang-loob si Sec. Gilbert sa paulit-ulit nitong pagpapahayag ng pasasalamat sa mga miyembro ng media na aniya ay siyang nakatulong upang maging matagumpay ang lahat ng trabaho ng PAOCC, lalo na ang POGO (Philippine Offshore Gaming Operators).
Sabi niya, dahil sa tulong ng media ay na-expose ang tunay na mukha ng POGO. Oo nga naman. Akalain ba naman natin na dahil sa mga operasyon laban sa POGO ay lumitaw ang mga kaso ng kidnapping, murder, torture, mga pekeng public documents at maging ang pagkakaroon natin ng mayor na di naman pala tunay na Pilipino.
Kumbaga, nanganak nang nanganak ang mga isyu habang lumalalim at tuloy-tuloy ang operasyon ng PAOCC laban sa POGO. Iba talaga kung seryoso ang ta-trabaho.
Ani Sec. Cruz, 60 lang pala sila at kasama din niya bilang tagapagsalita si PBGen. Atty. Ernesto Tendero, Jr. Nakilala ko ang dalawang magiting na opisyal bilang mga hepe ng police station noon sa Western Police District kaya personal kong masasabi na magagaling ang mga ito.
Hindi rin siya matakaw sa kredito o soloista, dahil hindi niya nakakalimutang banggitin nang ilang ulit rin, ang mga ahensiya ng gobyerno na aniya ay kaagapay ng PAOCC sa lahat ng operasyon nito.
Aniya, ‘whole of national government approach’ ang susi sa tagumpay ng lahat ng trabaho ng PAOCC, matapos mabanggit ng isang mamamahayag ang ukol sa magandang trabaho ng ahensiyang kanyang pinamumunuan.
Ayon kay Sec. Gilbert, nariyan ang PNP, NBI, DOJ, DOH at maging ang DSWD na palagian umanong tumutulong at kaakibat ng PAOCC sa trabaho nito kaya ang kredito umano ng bawat matagumpay na operasyon ay dahil sa pagsisikap ng lahat ng nabanggit na ahensiya at di lamang solong kredito para sa PAOCC.
Sa totoo lang, bago hawakan ni Sec. Cruz ang PAOCC ay halos ‘never heard’ na ito. Dahil sa ipinamalas niyang sipag, galing, tiyaga at dibdib sa trabaho ay sumikat ang PAOCC.
Kaya kung tutuusin, tayong lahat ang dapat magpasalamat sa grupo ng PAOCC, lalo na kay Sec. Gilbert dahil sa kanilang walang humpay na pagsisikap na walisin ang lahat ng kriminalidad sa bansa, kahit pa higante ang nasa likod ng mga ito.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.