Advertisers

Advertisers

Giyera ng BFP vs korapsyon: katotohanan dapat malaman ng publiko

0 7

Advertisers

Tag-araw na…mainit na naman ang panahon kaya, pina-i-ingat ng Bureau of Fire and Protection (BFP) na pinamumunuan ni Fire Director Jesus Fernandez ang publiko dahil sa ganitong uri ng panahon madaling sumiklab ang apoy.

Ito rin naman ang dahilan upang ang buwan Marso idineklarang “Fire Prevention Month” …at sa panahon ito, dobleng nakabantay ang ahensya ng pamatay sunog sa bansa batay sa direktiba ni FDir. Fernandez.

Kasabay naman ng tag-init, umiinit ang ahensya ng BFP – pinag-iinitan ito ng Department of Interior and Local Government (DILG)…puno raw kasi ito ng katiwalian.

Umaakusa at nagturong may katiwalian na nagaganap sa BFP ay si Interior Secretary Jonvic Remulla. Madali lang ang mag-akusa o magturo ng daliri kapag ang usapin ay korapsyon, lalo na kung ang akusasyon ay nagmumula nga sa isang mataas na opisyal tulad ni Sec. Remulla.

Pero ito ang dapat naman malaman ng publiko, sa gitna ng pagsasampa ng kaso laban kay FDir. Fernandez, may isang mahalagang bahagi ng kuwento na tila natatabunan. Yes, ito na iyong dapat ring makarating sa mamamayan. Ang katotohanan niyan ay ang BFP mismo, sa ilalim ng kasalukuyang liderato, ang agresibong humuhuli sa sarili nitong mga “anay.”

Ang paglilinis sa BFP mismo at patunay sa kanilang aksyon ay tinawag na “Oplan Santindig”. Kaya hindi matatawag na “pikit-mata” ang pamumuno ni Fernandez.

Sa katunayan, ang pagpapaigting ng Oplan Santindig ay isang matapang na hakbang na bihira nating makita sa ibang ahensya. Sa ilalim ng programang ito, hinikayat ang publiko na isumbong ang mga recruitment scam at pangingikil.

Hindi lang ito nanatili sa papel at sa halip, nagresulta ito sa mga entrapment operations kung saan mismong mga fire inspectors at personnel ang dinampot habang tumatanggap ng lagay.

Kaya kung ang isang pinuno ay bahagi ng katiwalian, bakit siya gagawa ng mekanismo para huliin ang mga tiwali sa sarili niyang bakuran?

Sa kalagitnaan naman ng pag-aakusa sa BFP o kay FDir. Fernandez, nananatili pa rin ang tiwala at suporta ng nakararaming opisyal, at kawani kay BFP Chief dahil sa saksi naman sila sa maayos na pamumuno ng opisyal bukod sa paglilinis din mismo sa ahensya.

Katunayan, maging ang grupo ng mga retiradong opisyal at personnel ng BFP ay nagpahayag ng suporta at nananatiling may tiwala kay Fernandez – tinutukoy natin ang grupong BFPRAPI (BFP Retirees Association) sa pangunguna ni Retired Col. Agapito Nacario – at ang grupong mga beteranong ito ay nakakita na ng iba’t ibang administrasyon sa loob ng kawanihan.

Ang kanilang “full backing” kay Fernandez ay hindi lamang dala ng pakikisama, kundi pagkilala sa mga tunay na internal reforms na nagaganap. Sila ang nakakaalam kung kailan ang isang lider ay tunay na naglilinis o nagkukunwari lamang.

Sa ngayon, tila’y nalalagay sa shame campaign ang BFP lalo na si Fernandez. Sabi nga ni Nacario na ang mga nagdaang pampublikong pagbatikos ay nagdulot ng matinding demoralisasyon sa hanay ng mga bumbero.

“Ang masama pa rito, ang mga anak ng mga bumbero ay naiuulat na nakararanas ng pambu-bully sa mga paaralan dahil sa ‘shame campaign’ na ito. . . Dapat na itong matigil. Ang nakararami sa aming mga bumbero ay nananatiling tapat sa integridad, transparency, at pananagutan,” diin niya.

Tama si Col. Nacario sa pagsabing ang “shame campaign” ay may masamang epekto—hindi lang sa imahe ng BFP, kundi maging sa mga pamilya ng mga bumbero. Ang mga anak na nambu-bully sa paaralan ay biktima ng mabilis na paghatol ng publiko.

Ang prinsipyo ng “innocent until proven guilty” ay dapat manaig. Kung may ebidensya ang DILG, hayaang ang Ombudsman ang magpasya nang may katarungan.

Kung susuriin, ang nangyayari ngayon kay Fernandez maaring ganti ng mga grupong naapektuhan ng kanyang paglilinis. Sa huli, ang tunay na sukatan ng isang lider ay hindi ang kawalan ng akusasyon laban sa kanya, kundi ang kanyang lakas ng loob na harapin ang mga ito habang patuloy na ginagawa ang tama para sa kanyang mga tauhan at sa bayan.

Huwag nating hayaang masunog ang dangal ng isang institusyon at ng isang lider nang dahil lamang sa mga alegasyong wala pa namang pinal na hatol.