Advertisers
SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO) ang akreditasyon ng 12 driving schools at ang mga guro nito dahil sa iregularidad sa pag-iisyu ng sertipiko sa pagtatapos ng Practical Driving Course (PDC).
Bukod dito, nagpalabas din ng Show Cause Order (SCO) ang LTO sa mga paaralan at mga guro na sangkot sa pamamagitan ng Central Accreditation Committee on Driving Schools and Medical Clinics (CAC-DSMC) para magpaliwanag sa alegasyon.
Batay sa imbestigasyon, nabatid na nag-isyu ang mga nasabing paaralan ng sertipiko sa mga estudyante na hindi sumailalim o hindi nakatapos ng mandatoryong walong (8) oras na practical driving instruction.
Ayon sa LTO, ang mga ganitong estilo ay paglabag sa LTO Memorandum Circular No. VDM-2023-2460, kabilang ang pandaraya (fraud), misrepresentation, maling paggamit ng akreditasyon, at hindi pagsunod sa mga itinakdang regulasyon. Sangkot din sa nasabing usapin ang mga gurong (instructors) nag-asikaso rito.
Inaatasan ang mga akusado na na magsumite ng kanilang nakasulat na paliwanag at mga kaukulang dokumento sa loob ng limang araw mula sa pagkakatanggap ng SCO.
Habang sumasailalim sa imbestigasyon ang kaso, ang 12 paaralan at ang kanilang mga instructor ay isasailalim sa preventive suspension sa loob ng hanggang 30 araw. (Almar Danguilan)