Advertisers

Advertisers

Tadtad ng mga kaso ang 18 ‘ex-Marines’

0 8

Advertisers

NAAAWA ako rito sa mga nagpakilalang mga dating sundalo (Philippine Marines) na nag-deliver kuno ng male-maletang kuwarta, na galing daw sa wanted na dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co, para sa ilang personalidad at politiko kabilang na si Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.

Ang naturang mga ex-Marines ay nahaharap ngayon sa mga kasong Perjury, Cyber Libel at Libel. Dinemanda sila ng mga personalidad na ginawan nila ng tahi-tahing kuwento tulad nina BuCor Director General Gregorio Catapang, Presidential Security Adviser Edardo Ano, Congressman Jose Alvarez ng Palawan, ML Partylist Rep. Liela de Lima, Magsaysay Awardee Fr. Flaviano Villanueva, at ex-Sen. Antonio Trillanes.

Kanilang sa mga kinasuhan ang handlers ng 18 ex-Marines na sina Atty. Levi Baligod, ex-Cong. Mike Defensor at ilan pang DDS vloggers na nagpakalat ng fake news!

Ang 18 ex-Marines ay hindi na ngayon mahagilap. Ang palusot nina Baligod at Defensor “may banta sa kanilang” kaya nagtatago ang mga ito.

Pero ilan sa kaanak ng naturang mga dating sundulo ay lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) nagpapatulong na mahagilap ang kanilang kaanak na “ginamit” nina Baligod at Defensor sa paggawa ng mga kasinungalingan para wasakin ang Marcos administration.

Ayon sa ilang kaanak ng ex-Marines, tinuruan lang daw ng kanilang sasabihin ang mga dating sundalo. Aray ko!

Kaya naniniwala si Trillanes na babaligtad ang ilan sa 18 ex-Marines para isiwalat ang nasa likod ng kanilang paggawa ng kuwento laban sa nabanggit na mga personalidad at politiko.

Ang tanong: Buhay pa kaya ngayon ang 18 ex-Marines? Kung buhay man, tiyak ‘di na sila lalantad lalo ‘pag naisyuhan sila ng arrest warrants.

Hanapin narin natin si Orly Guteza, ang ex-Marine din na ginamit nina Defensor at Sen. Rodante Marcoleta na nag-deliver din daw ng male-maletang kickbacks kina Zaldy Co at ex-House Speaker Martin Romualdez

Buhay pa kaya si Guteza?

***

Habang pinamumunuan ni House Justice Committee Chair Jinky Luistro ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, lumilitaw ang sabay-sabay na pag-atake mula sa pro-Duterte networks sa social media.

Ayon sa political observers, bahagi ito ng coordinated disinformation campaign na naglalayong sirain ang kredibilidad ng impeachment process at pahinain ang mga imbestigador bago paman marinig ang buong ebidensya.

Isa sa pangunahing propaganda narrative ang alegasyon na may utang daw si Luistro sa law firm nina Sara Duterte at Mans Carpio upang hilingin ang kanyang inhibition. Ngunit binubuksan din ng isyung ito ang tanong kung lumabag ba si Sara sa Local Government Code, na nagbabawal sa mga mayor na magpraktis ng kanilang propesyon habang nasa puwesto.

Kasabay nito ang pagkalat ng mga akusasyon laban kay Luistro—graft, vote buying, at misuse ng pondo—na ayon sa ilang mambabatas ay bahagi lamang ng smear campaign laban sa impeachment probe.

Samantala, sa mga pagdinig ay patuloy na lumilitaw ang mga seryosong isyu laban sa kampo ni Sara, kabilang ang:

• kontrobersiya sa confidential funds ng OVP at DepEd
• testimonya tungkol sa cash deliveries para sa political operations
• mga alegasyon ng koneksyon sa drug smuggling at illegal networks

Para sa maraming observers, ang disinformation campaign ay isang political survival strategy habang papalapit ang posibilidad ng impeachment trial sa Senado.

Subaybayan!