Senador Villar naghain ng panukala upang ang ibang GOCC’s ay makapagbigay ng loan moratorium at penalty relief sa gitna ng krisis sa enerhiya
Advertisers
Pasay City — Naghain si Senador Mark A. Villar ng Senate Resolution No. 366 na naglalayong ipatupad ng mga GOCC’s at institusyong pinansyal ang loan moratorium, grace period, at condonation ng penalties sa kanilang mga miyembro at pensioner.
Saklaw ng panukala ang mga ahensya at institusyong pinansyal tulad ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), LandBank, at Development Bank of the Philippines (DBP). Layunin nitong magbigay ng pansamantalang ginhawa sa pamamagitan ng suspensyon ng pagbabayad ng loan, pagtanggal ng penalties, at mas flexible na mga terms sa pagbabayad.
“Dapat nating bigyan ng agarang ginhawa ang ating mga kababayan. Ang pansamantalang suspensyon ng bayarin at pagtanggal ng penalties ay malaking tulong upang makabangon sila sa gitna ng krisis,” ani Villar.
Iminumungkahi sa resolusyon ni Villar ang isang hanggang tatlong buwang loan moratorium, kondonasyon ng penalties, loan restructuring, pagbawas ng interest rate, at mas mabilis na pag-apruba ng calamity o emergency loans na may kasamang grace period.
Giit din ni Villar, ang mga hakbang na ito ay hinango sa mga naunang tugon ng pamahalaan sa panahon ng krisis upang maiwasan ang pagkabaon sa utang ng mga miyembro at pensioner, lalo na’t tumataas ang bilihin.
“Naging matagumpay ang pagpapatupad ng mga katulad na hakbang sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act. Nakita rin natin ang positibong epekto nito sa ‘Balik Ginhawa’ program ng GSIS, na nagbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga kwalipikadong miyembro, pensionado at kanilang mga pamilya,” dagdag pa niya.
Nauna nang iniulat na pinag-aaralan na rin ng SSS ang pagpapatupad ng loan moratorium at penalty condonation, habang kumikilos ang Bangko Sentral ng Pilipinas upang ipatigil ang pagpapataw ng penalties sa mga apektadong borrowers.
Kung maipapasa ang panukala, inaasahang magbibigay ito ng agarang tulong pinansyal sa mga mamamayan habang pinananatili ang katatagan ng pondo ng mga GOCC at iba pang institusyong pinansyal ng pamahalaan.
“Hindi natin alam kung kailan matatapos ang krisis na ito. Kaya mahalaga ang pagtutulungan at bayanihan upang mabigyan ng sapat na suporta ang ating mga kababayan, lalo na ang mga manggagawa,” pagtatapos ni Villar.