Advertisers
INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) nitong Huwebes ang pagkakaaresto sa tatlong dayuhan sa dalawang magkahiwalay na operasyon kamakailan sa Camarines Sur at Pampanga.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na isang 41-anyos na Chinese national, kinilalang si Yang Shaofang, ang inaresto sa Barangay Tara, Sipocot, Camarines Sur habang ang mga Korean national na sina Moon Jongkook at Park Youngsun ay naaresto sa Pampanga noong Marso 30.
Ang Chinese ay dinakip dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili at sa paggamit umano ng mga maling dokumento sa imigrasyon.
Kinumpirma ng mga operatiba na namamahala siya ng negosyo ng mga piyesa ng motorsiklo sa kabila ng pagkakaloob ng visa sa ilalim ng ibang petitioner.
Gayundin, nagsagawa ang mga awtoridad ng surveillance at nakipag-ugnayan sa mga yunit ng militar at pulisya, na humantong sa pag-aresto kay Yang matapos niyang subukang tanggihan ang kanyang pagkakasangkot sa negosyo bago tuluyang umamin sa pamamahala sa establisemento.
Samantala, ang mga South Korean ay natagpuang nagsasagawa ng mga aktibidad na hindi naaayon sa kanilang awtorisadong pananatili.
Sinabi ni Viado na ang mga pag-aresto na ito ay nagpapadala ng malinaw na mensahe na hindi nila kukunsintihin ang pag-abuso sa sistema ng visa o anumang pagtatangka na linlangin ang mga awtoridad.
Dinala ang mga dayuhan sa BI main office sa Maynila para sa booking, inquest proceedings at karagdagang legal na aksyon. (JOJO SADIWA/JERRY TAN)