Advertisers

Advertisers

Planong ‘pagsalba’ kay Romualdez

0 11

Advertisers

SA bantang paghahain ng plunder case laban kay Senator Chiz Escudero, may mga nagsasabi na isa lang itong taktika ni Ombudsman “Boying” Remulla para palabasing patas at balanse ang proseso sa pagkamit ng hustisya at upang maging madali at maiwasan ang pagdududa ang pag-abswelto kay dating House Speaker Martin Romualdez sa bandang huli. Mismo!

Tandaan: Ang “ulo” ni Romualdez ang hinihingi ng taong-bayan kaugnay ng flood control anomaly at sa puntong ito’y hindi na makakaya pang pagtakpan siya ng kanyang mga tagadepensa, kabilang si Ombudsman Boying. Sa katunayan, dumausdos nang tuluyan ang trust and performance ratings ni Pangulong “Bongbong” Marcos dahil sa patuloy na pagliligtas kay Romualdez simula umpisa. Tsk tsk tsk…

Pero may nakikita pang paraan si Ombudsman Boying para isalba ang kanyang fraternity brother sa UP Upsilon Sigma Phi na si Romualdez upang mapawalang-sala.

Idinadamay si Escudero dahil hindi naman pwede kasuhan lang mag-isa si Romualdez dahil siguradong matutuluyan. Ang plano ay kakasuhan silang dalawa, at ipapawalang-sala ang senador at isasabay narin ang kongresista. Ginagamit lang talaga si Escudero para ma-legitimize ang proseso at magkaroon ng parachute ang hukuman sa pag-absweldo kay Romualdez. Mismo!

Siguradong ‘not guilty’ si Escudero. Sa naunang findings, hindi siya pinangalanan, at hindi rin siya kabilang sa mga inirekomendang kasuhan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang totoo’y si Romualdez lang sa kanilang dalawa ni Escudero ang rekomendadong kasuhan.

Malabo rin ang ipinagpipilitan ni Ombudsman Boying na nagsabwatan sina Escudero at Romualdez.

Una, hindi magkasundo sina Escudero at Romualdez. Magkaiba sila ng linya, posisyon, at role pagdating sa budget.

Pangalawa, si Escudero mismo ang isa sa mga unang nagturo ng posibleng pananagutan ni Romualdez.

Maging si Vice President Sara Duterte ay nagpatunay na si Escudero pa mismo ang kumausap kay BBM tungkol sa mga anomalya sa national budget na pinangungunahan nina Romualdez at dating House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co.

At ayon mismo kina Senator Ping Lacson at DPWH Secretary Vince Dizon, ang tinatawag na ghost flood control projects ay tumindi at nag-peak taon 2023 at 2024.

Kung ganoon, wala si Escudero sa posisyon ng kapangyarihan noong nagsimula ang problema. Hindi siya ang Senate President noon, si Senator Migz Zubiri pa. Hindi rin siya ang may hawak ng budget process sa Senado dahil si Sonny Angara pa ang chairman noon ng Senate Committee on Finance. Mismo!Iyon naman namang sinasabi ni Ombudsman Boying na may anomalya na noon pang pamumuno ni dating House Speaker Lord Allan Velasco, si Senate President Tito Sotto naman ang Senate President noong panahon na iyon.

Wala talagang sense ang kwento ni Ombudsman Boying na may conspiracy na nangyari sa pagitan nina Escudero at Romualdez. Alam ng mga insider na magkaaway ang dalawa. Paanong mangyayari ang sabwatan kung noong una palang, bukambibig na ni Escudero ang mga kababalaghang ginawa nila Romualdez sa paggastos ng national budget?

Hindi dapat maglatag ng paratang kung hindi tugma ang kaso sa mga katotohanan. Kailangan itong umayon sa timeline, sa papel ng bawat isa, at sa actual records.

Kung ang pangalan ay idinadagdag lang para magmukhang patas ang kaso, hindi ito paghahanap ng katotohanan. Ito ay tangkang paglabnaw ng kaso ng tunay na may sala. Mismo!