Advertisers
TATLONG lalaking Chinese National ang inaresto ng mga otoridad dahil sa ilegal na pagkulong nila sa isang ‘kababayan’ sa JCAL Building 4949 na matatagpuan sa Barangay Tambo, Parañaque City.
Batay sa ulat na natanggap ni Southern POlice District (SPD) Director PBGEN Kirby John Brion Kraft, nakilala ang mga suspek na sina Zhao Yinggang, Chinese National, 37 years old, encoder; Yan Chao, Chinese National, 28 years old, encoder at Jiang Yin, Chinese National, 28 years old, encoder.
Ang pag-aresto ay ginawa matapos na magsumbong sa himpilan ng Tambo Police Substation ang isang babae na ‘kababayan’ ng mga suspek na kinilalang si Li Hao, alias Sun Shuangshuang 29 taong gulang.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-6:50 kaninang umaga ( March 17) ay nagsumbong sa mga pulis ang biktima kung saan ay isinalaysay nito ang mapait na sinapit sa kamay ng tatlong suspek habang nakakulong sa loob ng nasabing gusali na matatagpuan sa kahabaan ng C. Santos Street.
Hindi naman pinalampas ng mga pulis ang reklamo ng dayuhan kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon sa sinsabing lugar sa Barangay Tambo na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong chinese.
Inihahanda na ngayon ang mga kaukulang reklamo laban sa mga suspek na isampa sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor, lungsod ng Paranaque. (JOJO SADIWA)