Advertisers

Advertisers

‘Pinagpapawisan ang bayag ni Duterte’

0 1,035

Advertisers

HUWAG tayong bolahin ni Rodrigo Duterte, Bato dela Rosa, Bong Go, at sinuman sa Grupong Dabao sa kanilang mga pahayag. Kahit anong sabihin nila, sino ang maniniwala na hindi sila kabado sa pag-isyu ng International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant kay Vladimir Putin, pangulo ng Russia, ang pinakamalaking bansa sa buong daigdig? Tama ang aming kaibigan Clift Daluz sa kanyang nakangising pahayag habang nakikinig sa pulong balitaan ng Saturday News Forum sa Dapo Restaurant: “Pinagpapawisan ang bayag ni Duterte.”

Bagaman may patawa ang patutsada ni Clift, nakangisi ang kaibigang Mackoy Villaroman sa narinig habang isinulat niya ang mga pahayag sa pulong balitaan. Alam ni Mackoy na hindi karaniwang hukuman na kaya nilang takutin, suwagin, pagbantaan, o bilhin ang nag-isyu ng arrest warrant kay Putin. Nararamdaman ni Duterte, Bato, Bong Go, at mga sangkot sa Davao Death Squad (DDS) na sila ang susunod na iisyuhan ng ICC ng arrest warrant.

Nasa estado ng formal investigation ang asunto na crimes against humanity na isinampa ng mga kritiko laban kay Duterte kaugnay sa madugo pero bigo na giyera kontra droga ni Duterte. Sa tantiya ng ICC, aabot sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 ang pinatay ng pulis at vigilante agent mula 2016 hanggang 2019. Formal na sinisiyasat ng ICC ang mga extrajudicial killing (EJK) mula 2011, ang taon na sinang-ayunan ng Senado ang ratipikasyon ng ICC hanggang 2019, ang taon na tumiwalag ang Filipinas sa ICC.



Sinabi ng mga mahistrado ng Korte Suprema na may poder sa ilalim ng Saligang Batas ng 1987 si Duterte na pangunahan ang pagtiwalag ng Filipinas sa Rome Statute, ang tratado na bumuo ng ICC. Ngunit ipinagdiinan ng mga mahistrado ng Korte Suprema na hindi maaaring talikuran ng gobyerno sa mga responsibilidad na iniatang sa balikat ng Filipinas noong kasaping bansa pa ito sa ICC mula 2011 hanggang 2019.

Kasama sa responsibilidad ng Filipinas ang ipatupad ang mga utos ng ICC tulad ng paghuli kay Duterte at mga kasabwat sa malawakang patayan na ipinatupad gamit ang PNP, bilang isang institusyon, noong pangulo ng bansa si Duterte. Sakaling may lumabas na arrest warrant ang ICC, malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na marapat ipatupad ito ng kasalukuyang gobyerno. Hindi makakatalikod ang gobyerno sa responsibilidad.

Sa maikli, obligado ang gobyerno sa pamamagitan ng PNP na dakpin si Duterte at mga kasabwat sa mga EJK at isuko silang lahat sa ICC. Maaaring tumakbo si Duterte at mga kasabwat sa ibang bansa tulad ng Estados Unidos, Russia, at Tsina na pawang hindi kasapi sa ICC. Mahirap sa Estados Unidos dahil kahit hindi ito kasapi ng ICC, patuloy na sinusunod ng Washington ang mga batas sa karapatang pantao. Hindi malayo na may kaso sila doon na hindi nila alam sa hinagap at dadakpin sila.

Mahirap sa Russia dahil kahit may arrest warrant kay Putin, hindi papayag ang bansang ito na kanlungin ang isa pang problemadong kriminal dahil kasalukuyan itong nasa estado ng digmaan sa karatig bansa ng Ukraine. Maaaring pumayag ang Tsina dahil hindi nahihiya ang bansang ito sa dami ng paglabag sa karapatang pantao ng sariling mamamayan.

***



MAY nagtanong sa amin kung ano ang mangyayari kung maglabas ang ICC ng arrest warrant, ngunit magtago si Duterte at mga kasabwat at hindi isuko ng gobyerno. Maraming teyorya sa ganitong sitwasyon kung mangyayari. May paliwanag ang ilang pantas sa usapin.

Sabi ng isang eksperto sa batas na aming nakausap, hindi nalalayo sa isang baka ng tinatakan ng nagbabagang asero ang sinuman na iniutos ng ICC na dakpin at ikulong. Hindi siya puedeng pumunta sa ibang bansa lalo na mga kasaping bansa ng ICC. Dadakpin siya doon at ibibigay sa sa ICC. Sa maikling pangungusap, liliit ang mundo ni Duterte at mga kasabwat.

Hindi magagalaw ni Duterte ang mga salapi at ari-arian na nakulimbat na nasa ibang bansa sa buong panahon niya sa serbisyo publiko. Sasailalim ng freeze order at hindi niya pakikinabangan ang mga nakatagong yaman. Bukod diyan, hindi niya maaari ibenta ang mga ito. Walang bibili dahil alam ng bibili na sasabit siya at magkakaroon ng problema, ayon sa pantas.

Balewala ang lahat ng ipinundar ni Duterte at mga kasabwat sa mabuti o masamang paraan sa buong panahon ng serbisyo publiko. Hindi nila ito mapapakinabangan ngayon at sa hinaharap. Kahit wala pang hatol ang ICC sa kanilang sakdal, mistula silang isinumpa ng kapalaran. Alam nila ito at kabado sila sa susunod na mangyayari.

***

MAY mga ilang bagay ako na natutuhan nang nagsalita si DoJ Asec Mico Clavano sa Saturday News Forum. Iba ang parusa sa illegal possession of firearms at illegal possession of explosives. Maaaring maglagak ng piyansa sa pansamantalang kalayaan ang sinuman na maakusahan ng illegal possession of firearms. Ngunit walang piyansa kung ang sakdal ay illegal possession of explosives. Ipinaliwanag ito ni Mico kaugnay ng kaso ni Arnie Teves ng Negros Oriental.

Sinabi ni Clavano na ibinasura ang sakdal na illegal possession of firearms, ammunitions, and explosives laban kay Teves, ngunit binigyan diin niya na isa lang ito sa siyam na sakdal laban sa kongresista. Buhay na buhay ang walo pang sakdal. Hindi na siya nagpaliwanag.

May nakikita kaming malinawag na kinabukasan sa batang Clavano. Isa siyang abogado na totoong nag-aaral at nagbabasa bago siya humarap sa publiko bilang tagapagsalita ng DoJ. Mabuhay ka Mico Clavano! Pagpalain ka!

***

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “Whenever the ICC issues an arrest warrant to a political leader, life will be very difficult for him. He may not be arrested in his home country, but he faces arrest in any member-states of the ICC. The ICC has about 123 member states. The Global Magnitsy Law becomes operational too. Whatever assets they have in foreign countries face freeze, which means they can’t withdraw, use, or sell them. For instance Rodrigo Duterte, Bong Go, and Bato dela Rosa. If arrest warrants will be issued against them, they can only go to Burundi in Africa, or the tiny island of Nauru in Pacific. They can’t go to the U.S., which may have other charges against them aside from the ICC’s. They can’t go to Russia, which is at war. They can go to China, but they have to live with mami’t siopao there plus siomai and machang.” – PL, netizen, kritiko

“If we want to make ROTC optional and when other countries like China attack us, let’s make the defense of our country also optional.” – Bato dela Rosa, senador

***

Email:bootsfra@yahoo.com