Advertisers
Iginiit ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na mabigyan ng kompensasyon ang mga komunidad na naperwisyo ng oil spill dulot ng paglubog ng MT Princess Empress.
Ayon kay Pimentel, alinsunod ito sa itinatakda ng Oil Pollution Compensation Law of 2007 o Republic Act No. 9483.
Sabi ni Pimentel, malinaw sa batas na may pananagutan ang may-ari ng mga oil tanker na magdudulot ng polusyon o pinsala at dapat nitong bayaran ang lahat ng maapektuhan.
Binanggit ni Pimentel na sa kaso ng MT Princess Empress ay dapat balikatin ng may-ari nito ang mga gastos sa cleanup operations kaugnay sa oil spill sa Oriental Mindoro, Antique at kalapit na mga lugar gayundin ang nawalang kita ng mga residente.
Diin ni Pimentel, nasa batas din na dapat nitong sagutin kung may namatay o anumang pinsala sa kalusugan ng oil spill pati na rin ang pinsala nito sa kalikasan at ang mga restoration measure.
Samantala tiniyak naman ni Senator Risa Hontiveros na kanyang babantayan ang imbestigasyon ng Senado sa Mindoro oil spill na patuloy na sumisira ngayon sa kabuhayan at sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay Hontiveros, mahigpit niyang i-mo-monitor ang mga mangyayari sa imbestigasyon hinggil sa oil spill mula sa lumubog na barkong MT Princess Empress na naglalaman ng 800,000 litro ng industrial na langis.
Nangako rin ang senadora na sisiguraduhin ang pagpapanagot sa mga opisyal na mapapatunayang responsible at nagpabaya sa nangyaring trahedya.
Samantala, personal na nagtungo ngayong araw si Hontiveros sa mga bayan ng Pola, Pinamalayan at Naujan Oriental Mindoro para magpaabot ng tulong sa kanyang mga kababayan na apektado ng sakuna sa karagatan.
Bukod sa mga bitbit na food packs ay nagpaabot din ng tulong pinansyal ang senadora sa mga Mindoreños.
Ang opisina ni Hontiveros ay nagpaabot ng higit sa ?10 milyong halaga ng tulong sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na apektado ng oil spill.
Tutukan natin!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com. – Ugaliin ring makinig sa programang “BALYADOR” mula lunes hanggang biyernes 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing miyerkules 9:00am-10:00am sa 96.9 FM Radyo Natin Calapan City, Oriental Mindoro at tuwing Sabado 9:00am-10:00am sa DWBL 1242 kHz AM Mega Manila. Mapapanood live sa Facebook at Youtube chanel.