Advertisers
Humaba na nang humaba ang diskusyon sa ‘war on drugs’ na ipina-iral noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil ngayong Administrasyong Marcos na ang nagpapatakbo ng pamahalaan, patuloy ang mga patutsda ng International Criminal Court (ICC) na tuloy-tuloy din ang kanilang pag-iimbistiga hanggang sa dapat mausig ang mga may kinalaman sa patayan laban sa droga.
Ako naman ay nagtataka na din, bakit habol nang habol ang ICC gayong ang mga patayang nabanggit ay naiimbestigahan na rin dito. May mga nahatulan na nga ng habang buhay na pagkabilanggo na mga pulis na nakapatay ng mga inosente. At may mga gumugulong pang mga pagdinig ng kagayang kaso nito.
So ano ang papel ng ICC? Hindi ba dapat lang manghimasok ito sa mga lugar o bansang di umiiral ang hustisya? Ito lang ang kanilang papel. Pero kung ang mga bansa o lugar na gaya natin ay may matibay na sistema ng batas at hustisya, hindi dapat ito makialam. Ganun lang kasimple yun.
Ang nangyayari ngayon kasi, eh parang pinalalabas ng ICC na ang mga kaso nila laban sa dating administrasyon ay tila mga kaso na rin laban sa Pilipinas. Kaya pati si Pangulong Bong Bong Marcos ay naaalibadbaran na rin sa mga pahayag ng ICC at sinabi nito na mas maigi pa atang idedma na lang natin ang mga ‘puting’ ito.
Sa gayon ako Kay PBBM, deadmahin ang ICC at tutukan na lang natin ang palala nang palala na sitwasyon ng iligal na droga sa bansa. Tinitingnan din kaya ng ICC ang mga ganitong isyu? Bakit di sila naglalabas ng mga pahayag na sila rin ay kontra sa iligal na droga?
Baka naman kaya sila habol nang habol Kay Digong ay nakasagasa ito na kakulay at kauri nilang nasa linya pala ng iligal na droga.
Para sa akin, bakit natin pagkaka-abalahan ang mga kaso sa ICC? Wala sila baleng kinalaman dito dahil tayo mismo ay nagiimbestiga sa anumang kamaliang nagagawa ng ating mga kababayan, mapa-mataas na opisyal man o’ ordinaryong Juan.
Ang pagtutuunan natin ng pansin ay ang muling pamamayagpag ng mga smuggler ng iligal na droga sa bansa. Mainam naman at ang ating mga taga-bantay ay nasasawata ang mga puslit na iligal na droga. Yan ay kahit walang namamatay at paki-alamerong ICC.