Advertisers

Advertisers

‘Publicity stunt’ na ang takbo ng Degamo case

0 183

Advertisers

MUKHANG hilong talelong na ang kampo ni dating Presidente Rody Duterte sa pagpatuloy ng imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga biktima ng ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon.

Si dating PNP Chief ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, ang utak ng pag-utos ng ‘Tokhang’ laban sa suspected drug addicts/pushers kaugnay ng war on drugs kungsaan libu-libo ang nasawi, ay kinuha ang serbisyo ni Sen. Francis Tolentino bilang kanyang abogado; habang si ex-Pres. Duterte ay kumuha ng international criminal lawyer para idepensa siya sa mga pagdinig ng ICC.

Nangangamba ang mga utak ng war on drugs na baka maisyuhan sila ng warrant of arrest, tulad ng nangyari kay Russian President Vladimir Putin na hindi ngayon makalabas ng Russia sa pangambang damputin ito ng ICC.



Ang Russia ay hindi miyembro ng ICC. Samantalang ang Pilipinas ay dating miyembro ng ICC na tumiwalag lang nang maireklamo si Duterte ng ‘crime against humanity’ ni dating Senador Antonio Trillanes. Subaybayan!

***

TALAGANG karumal-dumal ang pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walo pang indibidwal noong Marso 4 sa mismong tahanan niya sa Pamplona.

Naturalal mente, ito’y nagdulot ng galit ng marami partikular ng mga kababayan ng gobernador.

Pero kalaunan ay unti-unting nagmistulang pelikula ang kaganapan. Kagyat isiniwalat ng mga kinauukulan si Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, Jr. bilang “mastermind”, katunayan ay kung ano-ano nang mga isinampang kaso laban sa mambabatas.



Ang nakakapagtaka ay walang kinalaman sa pagpaslang ang mga kasong nabanggit. Nandiyan ang diumano’y ‘illegal possession of firearms and ammunitions’, at mga pagpaslang na naganap noon pang 2019.

Ngayon naman ay tinawag na pugante si Teves ni Department of Justice (DOJ) Secretary “Boying” Remulla kahit hindi pa sinasampahan ng kaso ang mambabatas sa pagpaslang sa gobernador. Ano ba ang nangyayari sa ating mga kinauukulan? Bakit parang ‘trial by publicity’ ang nangyayari sa kaso imbes na korte ang magpatunay sa kinasasangkutan ng akusado?

Dahil dito’y naging “circus” ang pangyayari. Nawawala ang kumpiyansa ng mga tao sa mga awtoridad. Parang namimingwit ang ating mga opisyal imbes na mag-imbestiga ng maayos. Turo nang turo pero wala namang maipakitang kapani-paniwalang ebidensya.

Kaya hindi natin masisi si Atty. Ferdinand Topacio, ang abogado ni Teves, sa mga nabitawang salita nito laban sa DOJ. Tama ang sinabi nito na dapat ay “impartial” ang DOJ ngayong nasa ‘preliminary investigation’ palang ang kaso. Bakit umaastang prosecutor na agad ang mga ito? Ibig bang sabihin nito ay mahina ang ebidensyang hawak nila laban kay Teves kung kaya’t trial by publicity nalang ang gustong mangyari sa kaso?

Huwag naman sana, dahil kung ganito na lamang ang kayang gawin ng mga awtoridad laban sa isang mambabatas, paano pa kung simpleng tao lang ang maakusahan ng ganito? At dahil sa mga ganitong aksyon, nawawalan ng kuwenta ang kaso sa pagpaslang kay Degamo. Huwag nating gawing statistic ang gobernador.

Mainam pa sana kung sampahan na nila ng kaso si Teves—sa tamang venue at hindi sa social media at mga presscon—nang sa gayon ay makasagot nang maayos ang inaasunto. Mismo!

Sa ganitong galaw ng mga pinagkatiwalaang ulo ni Pangulong Bongbong Marcos, imbes na bangon Pilipinas, tayo ay magiging bangungot Pilipinas. Gising, Pilipinas!