Advertisers
BUMABANDERA sa nakaraang survey si Senator Juan Miguel Zubiri bilang numero uno sa mga posibleng aspirante para Senador ng bansa sa parating na national election sa taong 2022.
Ang kasalukuyang Senate Majority Floor Leader ay top 6 elected Senator noong 2016 at dahil sa kanyang mahusay na pagtupad sa sinumpaang tungkulin bilang alagad ng Mataas na Kapulungan ay pe-dido na sa kanya ang pagiging topnotcher winner sa mga 2022 Senatoriables at ito ang resulta ng pinaka-latest survey ng kinikilala at nangunang survey firm na Pulse Asia.
Ang tinatayang magiging Senate President sa susunod na August Chamber ay nagpasalamat nang taos-puso sa mga kababayang naniniwala sa kanyang kakayahan bilang lingkod-bayan.
“Nakatataba ng puso ang kaloob ninyong tiwala sa inyong lingkod kaya asahan po ninyo na susuklian ko ito ng mas marubdob at mahusay na serbisyo para sa bayan,” tugon ni Zubiri – kasalukuyan ding pinuno ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) at naging national champion ng arnis noong kanyang athletic year 1991.
Sa liderato ni Zubiri ay humakot ng pinakamaraming (16) gintong medalya ang mga Pinoy arnisador noong nakaraang hosting ng bansa na 30th Southeast Asian Games Philippines 2019 at naging instrumental sa pagkopo ng Pilipinas sa overall championship ng naturang biennial sports meet sa rehiyon angat sa mga katunggaling bansang Thailand, Indonesia, Vietnam, Malaysia, Singapore, Myanmar, Laos, Cambodia, Brunei at Timor Leste.
Pangarap ng tanyag na lawmaker mula Bukidnon ang maging medal event din ang orihinal sa Pilipino sports discipline na arnis para sa quadrennial meets na Asian Games at Olympics na posibleng matupad sa timon ni Zubiri.(Danny Simon)