Advertisers
Muling binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na ang pagpapaunlad at pagpapalakas sa grassroots sports ay isang mahusay na kasangkapan sa pagtataguyod ng kapakanan ng mamamayang Pilipino, lalo ng mga kabataan.
Dahil dito, bilang tagapangulo ng Senate committee on sports ay patuloy na itinataguyod ni Go ang iba’t ibang sports programs at initiatives na naglalayong hikayatin ang maraming Pilipino na lumahok sa sports.
Isinulong ng senador ang Senate Bill No. 423 o ang Philippine National Games (PNG) Act of 2022, na naglalayong tiyakin ang mas inklusibong sistema sa paglilinang ng promising Filipino athletes na nagtataglay ng potensyal sa iba’t ibang larangan ng sports.
Ito ay upang mabigyan sila ng pantay na pagkakataon na maisabak sa mga internasyonal na kumpetisyon sa palakasan at patibayin ang katayuan ng bansa bilang “Sports Powerhouse sa Asia”.
“Ito pong SBN 423, iniengganyo ko po ang mga kabataan natin to get into sports, stay away from illegal drugs. Parang local Olympics po itong Philippine National Games, i-institutionalize po siya kung maisabatas,” paliwanag ni Go.
“Alam naman natin na salot talaga ang iligal na droga sa lipunan kaya sports ang nakikita kong isa sa mainam na paraan para maengganyo natin ang mga kabataan natin to get into sports and stay away from illegal drugs,” aniya.
Idinagdag ng senador na ang sports ay makatutulong sa pagbuo ng karakter, pagtataguyod ng disiplina, pagtutulungan, pagpapahalaga at pagtitiyaga.
Ang PNG ay magsisilbing pangunahing pambansang kompetisyon sa palakasan ng pamahalaan na gaganapin isang beses bawat dalawang taon.
Habang naghahanda ang bansa para sa Southeast Asian Games ngayong taon na gaganapin sa Cambodia sa susunod na buwan, umaasa si Go na ang mga sasabak na atleta ng bansa ay magtatagumpay sa kani-kanilang events at mag-uuwi ng karangalan sa Pilipinas.