Advertisers

Advertisers

MASALIMUOT NA USAPIN NG DROGA

0 3,357

Advertisers

Usaping masalimuot ang isyu ng droga ‘di lang sa bansa maging sa ibang panig ng mundo. Kumikilos ito ng palihim upang mapalawak ang bentahan at maging ang impluwensya sa anumang pamahalaan. Iniluklok sa pamahalaan ang lider na magbigay proteksyon sa negosyo. Nariyan ang kwento hinggil sa drug lord na sakit ng ulo ng US Drug Enforcement Agency dahil sa pagpupuslit bilang kalakal ang mga iligal na droga na gawa sa bansa nito. Sa paglaki ng kalakalan, nag-ambisyon ang puno ng droga na pumasok sa politika’t pinalad na manalo. Subalit hindi nagtagal ang pag-upo sa pwesto dahil sa katungali sa politika o maaring sa negosyo ang naglabas ng impormasyon hingil sa negosyong pinamumunuan. May pagkakataon na nakipag negosasyon ito sa pamahalaan na babayaran ang pagkakautang ng bansa sa ngalan ng magaan na operasyon laban sa negosyong pinatatakbo.

Makatotohanan ang paglalarawan sa itaas na may kahirapan ang laban kontra droga. Dito sa bansa may naging pangulo na ang pangunahing programa ng gobyerno’y laban sa iligal na droga. Maraming itinumbang kababayan ang mga kapulisan sa pagsunod sa utos ng dating pangulo. At sa pagtalima, marami sa biktima ng laban sa droga’y mga inosente na naabutan sa kakalsadahan, nasubuan o tinaniman ng iligal na droga dahil sa dis-oras ng gabi. Sa gawang ito, natuwa kuno ang bayan dahil nabawasan kuno ang krimen dahil takot ang karamihan at sa bahay na lang naglagi. Ngunit sa totoo ang kabawasan sa kalakalan ng iligal na droga’y dahil nagmahal ang bentahan at ang may mga kaya lang ang nakakabili ng patago.

Sa laban sa droga’y hindi nakitaan ng malaking tagumpay ang anumang ahensya ng pamahalaan mula pambansa hanggang sa lokal na antas. Nariyan na ipinamumukha na maraming sugapa sa iligal na droga ang itinutumba, nahuhuli, nasa rehab ngunit sa totoo lang wala o ‘di masabi na nagtagumpay ang laban kontra dito dahil patuloy ang pamamayagpag nito. Naalala mo ba Mang Juan yung Doktor na taga Lamitan? At sa totoo lang, maraming press released naganap sa panig ng pamahalaan ang trabaho kontra sa iligal na droga ngunit mababatid na ginagawang negosyo o suki ng mga ahente ang panghuhuli ng mga gumagamit maging ang tulak o pusher. Ang masakit marami sa mga nahuli o dating nahuli ang binabalik-balikan at ginagawang “asset o informer” upang matisod ang kalaban sa negosyo. O’ paghahanap ng bagong magbebenta. At dito nagsisimula ang Negosyo ng “low ranking personnel” ang hulidap.



Sa paglawak ng operasyon nasasabat ang ilang negosyanteng malaki o bultuhan ang kalakal na kinasisiya ng lider ng kapulisan dahil lumiliit ang bilang ng kompetisyon sa negosyo. At sa drug bust, nagkakaroon ng negosasyon ang mga asset / informer sa mga pabuyang ibinibigay ng pamahalaan. Pumapasok sa negosasyon na ‘di kailangan ang “cold cash” sa halip ang porsyento sa nasabat na droga ang kapalit na siyang ibabalik ibebenta sa merkado. At sa pagkakataong ito, nagkakaroon ng panibagong lambatan na pinagkakakitaan. Karagdagan, ‘di lingid kay Mang Juan ang tongpats sa opisyal o tauhan ng pamahalaan na nakatutok sa negosyong ito. DTI may permit ba ito galing sa inyo, hehehehe… biro lang.

Sadyang masalimuot ang usapin sa iligal na droga, sa pagpapalit ng liderato ng pamahalaan, sumidhi ang kilos ng mga negosyante at naglalakihan ang dami ng nahuhuli. Sa takbo ng pangyayari, may mga pagdinig ang dalawang kapulungan ng kongreso upang malaman ang takbo ng pagsugpo ng pamahalaan kontra sa kalakarang ito. Nariyan ang pagdinig kung saan dawit ang ilang personalidad na ayaw ipasilip ang likod dahil takot na malaman kung may karga itong tattoo ng triad. Naungkat ang pagpuslit ng mga tone-toneladang iligal na droga sa Bureau of Customs na dahilan upang ilipat ang namumuno dito sa ibang ahensya ng pamahalaan. Ang masakit may mga na promote na mga tauhan sa nasabing ahensya na nakitaan ng bakas sa transaksyon…sarap ng may kasanga.

Sa pagpasok ng pala ngiwing pangulo, nagdeklara ito ng sariling laban kontra droga na nagbigay ng magandang kinalabasan sa pagkakahuli ng napakaraming “Shabu”. Maganda ang pagkakahuli ngunit may lumabas na alingasngas na nagkaroon ng saluhan sa mga taong sangkot sa transaksyon. Nariyan na ang ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP) na may strella’t araw sa balikat ang nangungusap sa mga arresting officers. At sa huli, (video document) tila naayos na ang gusot at pinakawalan ang naarestong sangkot. Salamat at may CCTV na sa kasalukuyan.

Ngunit Mang Juan, batid mo bang sa sumunod na araw, ang nasabing naaresto’y isang pulis na muling nakasama sa sumunod na trabaho. Ang nasabi bang pulis ay tila o isang lubog na tauhan ng DPEG na pumasok sa sindikato para sa operational purposes. O’ sadyang nagtatrabaho sa kung sino na ‘di mahindian ng mga opisyal ng PNP. At ‘di nagtagal, nagpatawag ng Press Conference ang Kalihim ng DILG at pinangalanan ang maraming PNP officers na sangkot sa proteksyon at saluhan ng mga nahuling droga. Ang masakit na katotohanan, nasa kabilang Presscon ang ilang PNP officer na masama ang loob dahil tila nabaligtad ang pangyayari. Ang magandang operasyon ay tila balewala. At binabangit ng opisyal na kesyo may clearance sa Direktor ang ginawang operasyon. Habang ang kasunod na trabaho’y ipinatigil sa ngalan ng kaligtasan ng mga tauhan, tama ba Sir.

Tunay na masalimuot ang usapin sa iligal na droga higit o tila sangkot ang ilang matataas na tauhan ng PNP sa kalakalan. Sa totoo lang, ‘di lang usapin ang isyu ng iligal droga ang dapat tuunan, sa halip silipin ang usapin sa pera na ugat ng lahat ng usapin. Isang bagay ang iligal na droga ngunit ang malinaw ang pagkamal ng limpak limpak na salapi ang puno’t dulo sa usaping droga.



Maraming Salamat po!!!