Advertisers
Naaresto ang walong suspek nang masamsaman ng P1,121,524 halaga ng shabu sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Poblacion Sub-Station 6 ng Makati City police nitong Abril 17.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ang walong arestadong suspek na sina Jake Dela Vega y Jumarang, 24; Ryan Sularte y Solatorio, 38, security guard; Roderick Gayacao y Sanchez, 53; Kaitlyn Gabaya y Aldaca, 25; Amador Romasanta y Martinez, 52; Mary Grace Roldan y Castillo, 38; Rose Ann Lopez y Mamaid, 36; at Joy Espayos y Dela Dingco, 40.
Sa report na isinumite ng Makati City police sa SPD, naganap ang pag-aresto sa mga suspek 4:20 ng madaling araw sa Bernardino St., Laperal Compound, Brgy. Guadalupe Viejo, Makati City.
Napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Poblacion Sub-Station 6 na may mga nagsusugal ng cara y cruz sa nabanggit na lugar.
Agad na tinungo ng mga tauhan ng Poblacion Sub-Station 6 ang lugar na naitimbre sa kanila na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto at pagkukumpiska ng tatlong pirasong P1 na kanilang ginamit bilang pangara at bet money na nagkakahalaga ng P1,740 na may iba’t-ibang denominasyon.
Bukod pa sa nakumpiskang bet money ay nakarekober din ang mga operatiba ng walong medium at pitong maliliit na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang 164.93 gramo na nagkakahalaga ng P1,121,524 at isang digital weighing scale.
Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng Makati City police habang ang nakumpiska na shabu dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis.