Advertisers
INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na ibalik ang normal na operasyon ng kuryente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa lalong madaling panahon habang nagbibigay ng lahat ng kinakailangang tulong sa mga apektadong pasahero.
Ang isa pang pagkawala ng kuryente na nagparalisa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na nagresulta sa mga pagkansela ng humigit-kumulang 48 na domestic flights at pagkaantala ng mga international flight na nagsimula bandang 1:05 AM Lunes ay awtomatikong lumipat sa local power supply ng kuryente sa 1:12 AM at 8: 55 AM naibalik ang suplay nito sa NAIA terminal 3 matapos ang halos 8 oras na pagkawala ng kuryente.
Si Bautista kasama si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong ay sumugod sa NAIA Terminal 3 noong Lunes ng madaling araw para inspeksyunin ang sanhi ng pagkawala ng kuryente at nagbigay ng mga tagubilin na tulungan ang mga apektadong pasahero at mamigay ng bottled water at biscuits sa mga pasahero sa loob ng terminal. .
Ang mga source mula sa Airline Operators Council (AOC) na nag-ooperate sa NAIA Terminal 3 ay nagsabi na bandang 6:45 AM Lunes nagsimulang magpadala ng back-up generators sa international flights para sa serbisyo ngunit ang mga conveyor belt at air-conditioning system ay hindi pa rin gumagana
Sa kabutihang palad naman ay may kuryente sa mga immigration counter kayat sinimulan ng mga opisyal ng imigrasyon ang proseso ng papalabas at papasok na mga pasahero.
Sa kabila nito ay patuloy na iniimbestigahan ang pagkawala ng kuryente kung saan dahil sa inisyal na inspeksyon sa load side at pangunahing breaker problem, ang MIAA Engineering team kasama ang MERALCO technical personnel ay onsite na nagbibigay ng tulong sa mga awtoridad sa paliparan upang maibalik ang supply ng kuryente.
Humingi naman ng paumanhin si Bautista at ang pamunuan ng MIAA sa mga manlalakbay sa eroplano para sa abalang naidulot sa kanila ng sitwasyon.
“Ngayon naman, normal ang operations natin, although hindi lahat ng area ay may air-conditioning. Maayos naman ‘yung pagpasok ng mga pasahero. Medyo nagkaroon ng congestion doon sa check-in area kanina, although tuloy-tuloy naman ‘yung mga pagpasok ng pasahero. Sa immigration naman, tuloy-tuloy naman ang kanilang pagtanggap ng pasahero,” ani Bautista
Halos lahat ng airlines ay nagkansela umano ng kanilang biyahe bunga nang idinulot na aberya sa pambansang paliparan. (JOJO SADIWA / JERRY TAN)