Advertisers
Itinalaga si Manila International Airport Authority (MIAA) Senior Assistant General Manager Bryan Co bilang officer-in-charge ng nasabing ahensiya matapos na mailagay sa preventive suspension si General Manager Cesar Chiong batay sa isang anonymous complaint na isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
“Sa ngayon, ang ipapalit namin ay yung next in line muna, ang Senior Assistant General Manager ay si Mr. Bryan Co,” ani Secretary Jaime Bautista of the Department of Transportation (DOTr) sa isang interview.
Sinabi naman ni Co na sa kanyang banda, habang wala si Chiong ay itutuloy lamang niya ang mga programang inumpisahan ng DOTr at MIAA.
“We need to make sure that we continue our path towards improving NAIA and our service to our passengers and airport stakeholders,” pahayag ni Co.
Ang anonymous complaint na naging basehan ng suspension ni Chiong sa kasong ‘grave abuse of authority’ ay nag-ugat sa pag-reassign ng mga empleyado na ani Chiong ay para sa ikabubuti ng airport operations.
Ayon kay Bautista, karapatan ni Chiong na mag-reassign ng mga empleyado bilang hepe ng MIAA.
“Tama, para naman maging mas efficient yung operations ng airport, kaya nga nagulat nga kami na nagkaroon ng ganitong kaso, wala naman kaming alam na complaint ini-file ng kung sino man. But apparently may isang anonymous group na nag-file ng case,”ani Bautista.
Ayon kay Bautista, mahalaga ang naging papel ni Chiong sa pagsasaayos ng operations sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
“Yun pong kanyang team ang nag-iisip kung ano-ano ba yung mga best practice na dapat gawin natin… Ito yung ginagawa ng mga other countries. Pinag-aaralan natin yan in terms of customer service, in terms of safety and security, yun po ang importante kasi eh, in terms of making the facilities accessible,” paliwanag pa ni Bautista. (JERRY S. TAN)