Advertisers
NAGLABAS ng pahayag ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) hinggil sa kasong kinasasangkutan ng isang tauhan nito sa Navotas.
Ayon kay MPD Director, Brigadier General Andre Dizon, hindi nila kukunsintihin ang ginawang pagkakamali ni Master Sergeant Ramos Guina na nanapak ng traffic enforcer ng Navotas na si Mark Luzuriaga nang sitahin ito dahil walang prangkisa ang minamanehong tricycle habang nakasibilyan.
Tinakbuhan pa ng pulis ang traffic enforcer kaya nagkaroon ng habulan at nang maabutan naglabas ng baril si MSgt Guina.
Sinabi ni Dizon na hindi sila manghihimasok sa kaso ni Guina. Nararapat lamang aniya na dumaan ito sa patas na pagdinig sa kaso.
Ayon kay Dizon, kasalukuyan nang iniimbestigahan ang insidente na nag-viral sa social media dahil ayaw magpaaresto ni Guina at pinagmumura pa niya ang traffic enforcer sa harap ng mga nakaunipormeng pulis ng Navotas.
Mismong ang hepe ng Navotas Police na si Colonel Allan Umipig ang nanguna sa pag-aresto kay Guina dahil pumapalag ito at ayaw ibigay ang sling bag na may lamang baril.