Advertisers
ITITIGIL muna ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagtanggap ng Covid-19 swab test na pinondohan ng PhilHealth.
Ayon sa PRC ito ay dahil na rin sa tumataas na outstanding balance ng PhilHealth na umabot na sa P930,933,000.
Kabilang sa mga hindi na muna tatanggapin ng PRC na mga specimen ay mga OFW na dumating sa seaport at airport, frontliner , government workers, mga indibidwal sa mga mega swabbing facility at local government units (LGUs), health workers at iba pa na kasama sa expanding testing guidelines ng Department of Health (DOH).
Ayon sa PRC, tinapos na lamang nitong ang natitirang specimen na naka-charge sa PhilHealth.
Habang ang tatanggapin na lamang na specimen ay mga pribadong organisasyon o kumpanya, mga nag-book sa red cross helpline at online, mga LGU na may laboratory agreement sa PRC.
Sinabi ng PRC na hindi madali ang kanilang naging desisyon subalit nais lamang nilang ipaalam na hindi unlimited ang kanilang resources tulad ng test kits at iba pang gamit sa kanilang laboratory. (Jocelyn Domenden)