Advertisers
NASAWI anng isang rider nang ma-hit-and-run ng isang closed van sa tapat ng simbahan sa Tondo, Manila nitong Martes.
Dead on the spot ang rider si Christian Darren Isla, 25 anyos, field marshall, ng J. Luna St., Gagalangin, Tondo, nang mahulog sa motorsiklo at magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), 5:10 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Velasquez St., tapat ng simbahan, sa Tondo.
Sa imbestigasyon ni Cpl Allanion Aquino, sakay ng isang motorsiklo ang biktima nang pagsapit sa tapat ng simbahan ay nasagi ito ng isang closed van na bumibiyahe rin sa kaparehong direksiyon.
Tumilapon ang biktima mula sa motorsiklo at bumagsak sa sementadong kalsada, na nagresulta sa pagkamatay nito.
Sa halip namang huminto, mabilis na tumakas ang van.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya. (Jocelyn Domenden)