Advertisers
SA sobrang dami ng problema tungkol sa korapsyon sa administrasyong Duterte, hindi gaanong napag-uusapan ang dalawang panukalang batas hinggil sa pagpapalit ng “Del Monte Avenue” sa “Fernando Poe Jr. Avenue” sa Quezon City.
Nakasalang sa Senado ang Senate Bill No. 1822 at sa Kamara de Representantes naman ay ang House Bill No.7499.
Tahasang tutol dito ang Orders of Friars Minor (OFM) of San Pedro Bautista dahil sa makasaysayang kahulugan ng pangalang Del Monte Avenue.
Ang nasabing kalye at ang nakapalibot na pamayanan/distrito rito ay ipinangalan sa “retreat” na itinatag ni San Pedro Bautista.
Ayon sa historian na si Ambeth Ocampo, “ill advised” ang gagawing pagpapalit ng Del Monte Avenue sa Fernando Poe Jr. Avenue dahil ang desisyong ito ay nangangahulugang “no respect for street names that are mute reminders of history”.
Batay sa rekord ng simbahang Katoliko, mayroong silang 10,000 santo, kabilang na sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.
Ang hindi mga naging santo ay tinatawag na “blessed” o “Servant of God” dahil sa kanilang mga nagawa sa mga tao na nakagapos pa rin sa paniniwala ng mga Kristiyano.
Sa labas ng bakuran ng relihiyong Katoliko, maraming indibidwal na kinilalang “folk saints”.
Nariyan ang mga tulad nila Dr. Sousa Martins at Gauchito Gil.
Si Martins ay Portugese doctor na kilala sa kanyang panggagamot at paglilingkod sa mga mahihirap.
Si Gil naman ay taong kinilala ng mga taga-Argintina dahil sa nagawa nito sa mga pangkaraniwang tao.
Maliban kina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod, mayroon din tayong mga martir tulad ni San Pedro Bautista, isa sa “26 Martyrs of Japan”.
Si Bautista ang nagtatag ng San Francisco Del Monte retreat kung saan nakuha ang Del Monte Avenue.
Kilala ang lugar na ito dahil maraming tao ang dumaraan dito araw-araw.
Kapag pinalitan ito ng Fernando Poe Jr. Avenue ay nangangahulugang kawalang galang ito kay San Pedro Bautista, ayon sa puna ng mga kritiko ng panukala.
Ngunit, sa pangkaraniwang tao ay napakasakit sa tainga ng ganyang pahayag dahil pambabastos din ito sa kanilang idolong si FPJ.
Nakalimutan nilang kilalanin at tanggapin na si FPJ ay isang “folk saint” para napakaraming masang Filipino.
Hindi kailangan ni FPJ ng altar, o bantayog, upang kilalanin ang kanyang mga nagawa.
Sa sinehan ipinakita at iminarka ng masa ang kanilang ‘debosyon’ kay FPJ.
Ang mga pelikulang nagpakita at nagpalabas kung paano haharapin at lalabanan ang mga kaaway ng mga inaapi at minamaliit ang siyang naging napakalinaw na ebidensiya na si FPJ ay santo ng masang Filipino.
Naalala ko ang mga kuwento noong araw tulad nang magkagulo sa mga sinehan sa Mindanao makaraang mamatay si FPJ sa pelikulang “Asedillo”.
Nangangahulugang magkakagulo kapag pinatay si FPJ dahil napakalaking krimen ito para sa masang Filipino.
Maraming magagandang kuwento tungkol kay FPJ na nagsasabing siya ay totoong santo nila dahil ipinamalas ni FPJ ang pagiging Kristiyano.
Isa diyan ang pamimigay niya ng generator makaraang bayuhin ng lindol ang Lungsod ng Baguio, pagpapatayo ng FPJ School Buildings, pag-aayos ng mga patubig sa mga lalawigan, at pagkalinga sa kapwa niya artista at stuntmen.
Sa pelikula at sa totoong buhay, hindi maipagkakaila ng sinumang tao na si FPJ ay isang “tunay” na tagapagsulong at tagapagtanggol ng interes at kagalingan ng masa.
Siya rin ang “sagisag” ng kanilang mga pangarap at aspirasyon sa buhay.
Kaya, hindi pwedeng basta maliitin at tuluyang balewalain at si FPJ.
Katunayan, ang Franciscans at si FPJ ay magkaparehong nagmahal at naglingkod sa mahihirap.
Minsang nagsulat ang isang historian ng ganito: “For the natives like (them) because they walk barefoot and live as poor like us, eating what we eat, settling down with us, talking with us meekly…”
Kung ako ang tatanungin, ang naturang pahayag ay walang pagdududang maaaring ilagay din sa biograpiya ni Fernando Poe Jr.