Advertisers
TIMBOG ang isang Indian nang mangholdup ito ng kabaro sa Payatas, Quezon City.
Kinilala ang nangholdap na si Sandeep Singh, at ang pinakahuling biktima niya kapwa niya Indian na naniningil sa kanyang mga pautang sa lugar.
Nabatid na ika-limang beses na itong pagkahuli ni Samdeep sa parehong krimen. Lahat ng biktima niya mga kapwa niya Indian.
Pahayag ni Brig. Genetal Nicolas Torre III, director ng Quezon City Police District (QCPD), “Ayon sa biktima, bigla siyang tinabihan ng suspek, tinutukan ng baril at kinuha ang kanyang pera. Pero napansin ng biktima na mukhang plastik ang baril ng suspek at kalahi niya. Kaya, hinawakan niya ang suspek. Nagkagulo, hanggang sa dumating sa lugar ang rumespondeng mga pulis.”
Inaresto si Sandeep ng mga tauhan ng QCPD Station 13. Nabawi mula sa kanya ang ninakaw na P2,500 at isang gun replica.
Natagpuan din ng mga operatiba ang isang hand grenade sa bahay ni Sandeep.
Limang taon nang naninirahan sa Pilipinas si Sandeep, ayon sa ulat. Wala siyang komento sa mga alegasyon laban sa kanya.
Mahaharap ito sa mga reklamong robbery, illegal possession of explosives, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.