Advertisers
NAGKAKAHALAGA ng P12.2 million na imported shabu ang nasamsam ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang lalaki nang tanggapin ang ipinadalang package sa ‘controlled delivery operation’ sa Mandaluyong City, Huwebes ng hapon, May 11.
Kinilala ang inarestong consignee na si Kyle Puna Sanchez, na ang tunay na pagkakakilanlan ay Joel Mariano Reyes, 42 anyos, ng Barangay Dr. Fernandez, Highways Hills, Mandaluyong City.
Sa report na natanggap ni Moro Vergilio Lazo, PDEA Director General, isinagawa ang operasyon ng mga pinagsanib na elemento ng PDEA Clark Inter Agency Interdiction Task Group, Bureau of Custom Port of Clark, PDEA-National Capital Region at Mandaluyong Police Station sa kahabaan ng Sultan Street, Barangay Highway Hills.
Inaresto si Reyes ng mga operatiba nang tanggapin ang package na naglalaman ng 1,808 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P12,240,000.00.
Ang nasabing shipment ng shabu ay nagmula sa San Jose, USA at dumating sa Port of Clark Mayo 9, 2023. Ang pagkakatuklas sa kontrabando ay base sa natanggap na impormasyon ng PDEA ICFAS (International Cooperation and Foreign Affairs Service) mula sa mga dayuhang counterpart.
Nasa kustodiya ng PDEA si Reyes na sumasailalim pa sa imbestigasyon. (Mark Obleada)