De kalidad na serbisyo sa ospital, siguraduhin – Mayora Honey
Advertisers
“BALEWALA po ang magandang building kung ang serbisyo naman po ay hindi kagandahan.”
Ito ang binigyang diin ni Mayor Honey Lacuna, matapos niyang muling ipaalala ang kanyang direktiba sa mga tao sa likod ng operasyon ng “Bagong Ospital ng Maynila” na tiyakin ang pagbibigay ng de kalidad na serbisyong medikal nang walang bayad sa mga dumarating sa ospital at nangangailangan ng tulong.
Nagpahayag ng pagmamalaki ang lady mayor sa flagship hospital ng lungsod dahil sa ganda ng itsura at sa modernong pasilidad nito.
“Buong pagmamalaki ko po na pwedeng ibalita sa inyo na tunay na world- class and ating ospital at patuloy natin itong pagagandahin pa,” sabi ni Lacuna na isa ring doktor.
“The hospital can speak for itself. Gaya ng tagubilin ko, sana, kaakibat ng bagong imprastraktura ay mapanatili nating maayos ang pagbibigay ng serbisyo sa lahat ng kliyenteng tutungo sa ating Ospital,” dagdag pa nito.
Iginiit ng alkalde na kahit na anong ganda ng ospital o kahit na kumpleto pa ito at high-tech ang mga pasilidad at kagamitan, ang higit na mahalaga pa rin ay ang klase ng serbisyong ibinibigay ng mga kawani ng ospital mula sa director hanggang sa pinakamababang rank-and-file.
Pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng nasa likod ng operasyon ng nasabing ospital, na ayon sa kanya ay nagpakita ng dedikasyon sa pagbibigay ng de kalidad na serbisyo sa mga Manileño na nagpupunta sa ospital para magpagamot.
Ang Ospital ng Maynila ay isa sa anim na ospital na nagbibigay ng libreng serbisyo medikal sa mga residente ng kabisera ng bansa at ito ay pinatatakbo ng pamahalaang lungsod.
Ito ang tinuturing na flagship hospital ng Maynila at siyang pinakamalaki, pinakamatanda, pinakamoderno at kumpleto sa high-tech facilities at equipment.
Ang nasabing ospital ay para sa serbisyo ng mga nasa ika-5 distrito ng Maynila at humahawak din sila ng mga kasong kailangan ang espesyal na pasilidad at atensyon. (ANDI GARCIA)