Advertisers
INIHAYAG ni Philippine National Police Public Information Office (PNP-PIO) Chief, Brigadier General Red Maranan, na hindi makatatanggap ng mid-year bonus ang mga pulis na may kinakaharap na mga kaso.
Ginawa ni Maranan ang pahayag matapos ianunsyo ni PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., ang pag-release ng mid-year bonus ng mga pulis.
Pahayag ni Maranan, P7.54 bilyong piso ang inilaan ng PNP para sa mid-year bonus ng 227,832 active duty PNP personnel na katumbas ng kanilang isang buwan na sahod.
Sa ulat ni PNP Finance Service Director, Brig. Gen. Bowenn Joey M Masauding, sa PNP Chief, matatanggap ng mga kwalipikadong tauhan ng PNP ang kanilang mid-year bonus sa kanilang Landbank payroll account ngayong Mayo 18.
Sinabi ni Acorda na umaasa siya na ang pag-release ng mid-year bonus ng mga pulis ay makatutulong sa kanila para ipagpatuloy ang marangal na pagseserbisyo sa bayan.