Advertisers

Advertisers

DoTr hinay-hinay sa pagpasa sa LGU ng malaking proyekto

0 154

Advertisers

ANONG klaseng pag-iisip meron itong Department of Transportation (DoTr) para mismong ito ang humiling sa Philippine Ports Authority (PPA) na ipaubaya sa local government ang pamamahala sa isang malaking proyekto sa Matnog.

Ang atin pong tinutukoy ay ang ginawang kahilingan ng DoTr sa PPA na ipaubaya sa provincial government ng Sorsogon ang Sorsogon RoRo Terminal Expansion Project o Matnog Expansion Project.

Ang Matnog Expansion Project ay pinondohan sa General Appropriations Act 2022 ng P550 milyon!



Pero alam n’yo ba na itong si Transportation Undersecretary Elmer Francisco Sarmiento ay sumulat kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago upang ipaalam ang pagkansela nila sa pinasok na Memorandum of Agreement (MOA ) kasama ang PPA para sa naturang proyekto na naparalisa noong Marso 24, 2023.

Ito ang nag-udyok para humiling ang DoTr sa PPA na gumawa ng panibagong MOA pabor sa PGU Sorsogon.

Bago ang hiritang nangyari ay nakipag-ugnayan daw kay DoTr Secretary Jaime Bautista itong si Sorsogon Governor Jose Edwin Hamor para sa intensyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon na isagawa ang proyekto at nangakong maghahatid ng mas magandang saklaw nito.

Presto! Matapos ang usapan ay nagdesisyunan ang DoTr na ang pagpapatupad ng proyekto ay pinakamahusay na isagawa ng PGU Sorsogon dahil sa kanilang pamilyaridad at exposure sa local needs at concern.

Ang tanong: Bakit kailangan ipaubaya ng DoTr sa LGU ang pagpapatupad ng isang proyektong ang PPA ang sa simula’t simula ang nagtulak? Anong mayroon para ganun na lamang kadali isuko ng DoTr ang proyektong dapat ay ang national government ang may inisyatibo? Pinondohan ito sa ilalim ng GAA 2022. Pero basta-basta na lamang ito gustong baguhin ng DoTr sa pamamagitan ng isang MOA? Animal!



Hinay-hinay naman, Sec. Bautista, sa desisyon. Aba’y pinagsunugan ng kilay ng mga tauhan mo ang proyektong ito, tapos parang wala lang na ipapasa ninyo sa local government?

Sakaling isuko ninyo ang proyekto, huwag sana kayo magsisi sa bandang huli kung bakit ninyo ipinaubaya sa isang local government ang dapat ay ipagmamalaking proyekto ng isa sa ahensyang nasa ilalim ng inyong pamumuno. Tandaan!

***

Dapat magsulong ng isang batas ang kongreso na gawing transparent ang pagbabalot sa items na inorder sa online stores. Dahil napakarami nang scammers, manloloko sa online stores na ang mga idini-deliver ay peke, hindi yung talagang inorder!

Policy kasi ngayon ng mga nagde-deliver na bawal buksan ang nakabalot na items sa kanilang harapan. Kaya ‘di mo tiyak kung yun nga ang inorder mo. Kapag binuksan, hindi na puwedeng ibalik.

Pero kung transparent na plastik ang nakabalot sa items, makikita mo kung ito nga ang iyong inorder nang hindi na kailangan alisin ang balot. Mismo!

Kaya, our dearest lawmakers, ipanukala ninyo ito, hindi yung panukalang 140kph sa expressway na magdudulot lang ng kapahamakan!