Advertisers
PATOK sa mga turista ang bayan ng Puerto Galera dahil sa ganda ng baybayin nito bukod pa ang ilan pang mga lugar doon na puwedeng pasyalan… mahirap man o mayaman, Pinoy man o dayuhan.
Dinarayo ito hindi lang sa ganda ng mga baybayin at iba pang pook-pasyalan kundi dahil madali lang puntahan kasi humigit-kumulang dalawang oras ay mararating na ito lulan ng barko mula lalawigan ng Batangas.
Subalit bago masulit ang ganda ng mga lugar sa Puerto Galera ay posibleng dumaan muna ang mga turista sa siksikan na pero nuknukan pa ng init upang makabayad ng tinatawag na Environmental Fee.
Kapag medyo buenas pa ang mga turista ay pihadong masasagupa nila ang mga bastos na, marungis pa na nagpapakilala bilang tauhan ng munisipyo na nasa loob ng pantalan.
Alam ko kahit paano ang hirap ni meyor sa bayan na ito para lamang maibalik ang turismo sa kanilang bayan dahil ito ang pangunahing pinanggagalingan ng kabuhayan ng mga tao sa nasabing bayan.
Matagal naapektuhan ito nang dahil sa pandemya. Nang magbalik naman na ang turismo roon ay napabalita naman ang ‘oil spill’ na umabot na [raw] sa kanilang baybayin mula sa lumubog na M/T Princess Empress.
Subalit ang lahat nang iyon ay lumipas na. Matagumpay na naibalik ni meyor ang turismo sa kanilang bayan para sa kabuhayan ng kanyang mga kababayan at ganoon na rin sa munisipyo lalo na sa usapin ng kanilang pondo.
Pero sana naman meyor ay ayusin ng hepe ng Municipal Environmental Office ninyo ang sistema sa paniningil ng P120 na Environmental Fee hindi yung sistema na parang walang gobyerno.
Naniniwala akong mayroon pang mas magandang sistema na puwedeng ipatupad diyan. Sibakin din sa tungkulin ang mga bastos na tauhan ng munisipyo na nasa loob ng pantalan lalo na yung hindi naliligo. Tssk tssk tsk
Kahit sobrang ganda pa ng lugar pero kung bulok ang sistema at mga bastos ang kanilang masasagupa mula sa mga tauhan ng munisipyo ay siguradong hihina hanggang sa mamatay ang turismo sa Puerto Galera. Kayo rin!
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com