Advertisers

Advertisers

Malaking “Asset” Sa Kongreso Si Cong. Erwin ‘Winong’ Tulfo (Part 2)

0 555

Advertisers

TALAGANG handang-handa na si Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) party-list Congressman Erwin ‘Winong’ Tulfo na magtrabaho na sa Kamara.

Kumbaga sa manok panabong, gigil na, ever ready na siya dahil may nakahanda na siyang 120 panukalang batas na iharap sa Kongreso.

Ready to rumble, sabi nga ng ating kapatid sa media, at dating Social Welfare Sec. Tulfo, at nga nga niya, sa oras na makaupo na siya, bulto-bultong folder ng mga proposed bills, ihaharap niya agad.



“I’m keen on filing a lot of bills, I have 120 right now lined up. Half of it, centered toward poverty alleviation and helping the poor,” sabi ni bro. partner Erwin – na ito raw ang itawag muna sa kanya, kasi, hindi pa siya sanay na matawag na congressman.

Nakapanumpa na siya sa Kamara bilang kapalit ng nagbitiw na 3rd ACT-CIS nominee na si Jeffrey Soriano, at alam nyo ba, dear readers, bago ang 2022 eleksiyon, nailista na at inokeyan ng Comelec ang pangalan ni Erwin na ika-4 na nominee ng kanilang partylist.

Super taas ng tiwala ng taumbayan sa partylist na ito, kasi sa katatapos na 2022 elections, topnotcher ang Act-CIS sa dami ng nakuhang boto.

Sa dalawang magkasunod na eleksiyon, ayon sa resulta ng botohan, “the ACT-CIS party-list topped the partylist race for the second election in a row.”

What a record po ito, at ito ang sabi: “ACT-CIS has garnered a total 2, 046,576 votes nationwide so far, or 57.77% of the total party-list votes, based on 97.28% of precincts reporting as of Tuesday, May 10, 12.11 pm.”



How one can argue with that: Paano mo kokontrahin ang tinig ng taumbayan e, dalawang magkasunod na eleksiyon – topnotcher ang ACT-CIS party-list?

Kaya nga ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang petisyon kontra sa pag-upo sa ating kapatid Cong. Erwin, kasi sa partylist election, yung partido ang ibinoboto at hindi ang mga nominadong kongresista ng nanalong partylist.

Sa pagka-alam natin, e hiwalay ang Comelec at Kamara at ngayong nakapanumpa na si kapatid partner Erwin, ang kapalaran niya ay nasa kamay na ng liderato ng Kongreso.

Sa oras na nasa bubong ka na ng Kongreso, ang may kapangyarihan sa pagtanggap, pagtanggal at pagsuspinde o pagdisipilina sa isang kasapi nito ay exclusive liderato ng Kamara o ng Senado.

Kaya nga, wala nang pakialam ang Comelec – na ito naman ang sinabi sa petisyon na idiskuwalipika si Cong. Erwin.

Now, dahil sigurado naman kongresista na si Bro. Erwin, sa interview sa kanya, uunahin niya sa 120 bills na isasampa niya ay tungkol sa kapakanan at kabutihan ng, una: solo parents, ikalawa: person with disabilities (PWDs) at ang senior citizens at ang iba pang Filipinong dugyot o talagang sobrang nahihirapan sa buhay.

Kailangan na ang mga batas na totoong magbibigay ng proteksiyon sa mga solo parents – mga babae o lalaki na iniwan ng kanilang asawa o partner na kulang ang 24 oras para maghanapbuhay at alagaaan ang inabandonang (mga) anak.

Kailangan pa bang ipaliwanag na hindi sapat ang natatanggap, kung may natatanggap ngang tulong ang mga PWDs, lalo na kung ang kapamilya niya ay lubog sa hirap at utang?

Ang problemang ito ay nakita na niya noong aktibo pa siya sa media pero lalong naging malinaw at masakit sa katotohanang hindi nga naibibigay ng batas natin ang tama at mabilis na tulong sa maraming mahihirap nang si Bro. Partner Erwin ay maging DSWD secretary.

Personal na nakita niya at naramdaman ang malaking kakulangan sa tulong ng gobyerno sa mga kababayang sobrang kapos na kapos sa buhay at sabik na sabik na makatanggap ng kahit konting kalinga ng kapwa.

Sa imterview, inamin ni Cong. Tulfo na marami siyang dapat na matutunan sa mga gawain niya bilang miyembro ng Kamara.

“I have a lot things to learn in Congress. Marami po tayong dapat na malaman at matutuhan, at handa po ako sa malaking challenges na ito,” sabi niya.

Kung ano ang proseso ng pagpa-file ng bill, kailangan niyang malaman at masunod at malaki ang maitutulong, sabi ni Kuyang Erwin ng kapwa niya ACT-CIS partylist nominees na nagsilbi na sa dalawang magkasunod na Kongreso.

“Pwede nila akong i-coach,” sabi niya, na ang tinutukoy ay kapwa ACT-CIS partylist Cong. Jocelyn Tulfo at Cong. Edvic Yap.

Sabi nga niya, hindi kahinaan ang magpaturo sa isang mas marunong, “kasi, sa pagtatanong, sa pagtitiwala sa mas marunong, doon, nagsisimula ang ating pagkatuto.”

Isa sa ipanunukala niya ang batas na oobliga sa mga pribadong kompanya na kumuha ng empleyado mula sa sektor ng PWDs at seniors.

“At least 5 percent of their manpower from the persons with disabilities (PWD) sector and senior citizen,” sabi niya, ito ay sa dahilang maraming may kapansanan ang may mga talino at abilidad sa trabaho, tulad ng karaniwan na walang pisikal na kahinaan.

At maraming seniors na malalakas pa, at sa malawak na karanasan, malaki ang maitutulong nila sa pagpapalago ng isang kompanya, sabi ni Cong. Erwin.

Iba pang panukala na nais niyang maisabatas ay ang maging makatotohanan ang pagpapatupad ng Universal Health Care at ang pagsasamoderno ng mga ospital at magbigay ng iskolarsip sa matatalinong anak ng mahihirap na nais maging doktor, nars, laboratory technician at parmasyotika.

“Yung magkaroon ng isang nars sa bawat barangay, at isa o higit na doktor sa isang barangay cluster na 24 hours na tututok sa kalusugan ng mamamayan, malaking tulong ito para mabawasan ang mga nagkakasakit.

Naniniwala kasi si Cong. Erwin na ang mamamayang malalakas at malulusog at matataiino at may pagmamahal sa bansa ang isa sa dinamikong lakas na magsusulong sa minamahal nating bansa.

Sa nakikita nating dedikasyon niya sa trabaho, tama ang naramdamang panghihinayang na nasabi ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na mawala si Bro. Erwin sa kanyang Gabinete.

At ngayong nasa Kongreso na siya, wag na sanang hadlangan pa ng iba riyan ang nais niyang maglingkod nang taos-sa-puso sa sambayanang Filipino.

Malaking “asset” ang pagtukoy ni PBBM sa kanya, at atin nang yakapin ang magkaroon tayo ng isang Honorable Congressman Erwin T. Tulfo!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.