Advertisers
INIHAYAG ng Manila International Airport Authority (MIAA) na naging matagumpay ang Terminal reassignment sa ilalim ng Schedule and Terminal Assignment Rationalization (STAR) program nito.
Noong Sabado (Hulyo 1) inilipat ng AirAsia Philippines at Royal Air Philippines ang kanilang mga domestic flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 habang ang Sunlight Air ay lumipat sa NAIA Terminal 4.
Ang NAIA Terminal 2 ngayon ay eksklusibong tumutugon sa mga domestic flights dahil ito ay tahanan ng mga local carriers na pinatatakbo ng Philippine Airlines (PAL), AirAsia at Royal Air.
Ang pagbabagong ito sa ilalim STAR program ay nakikinabang kapwa sa ating mga domestic at international passengers, gayunpaman, ang mga tauhan ng CIQ (Customs, Immigration and Quarantine) ay muling itinalaga sa NAIA Terminals 1 at 3 bilang karagdagang deployment.
Sa kabilang banda, ang mga pasahero sa NAIA Terminals 1 at 3 ay may mas malawak na seleksyon ng mga pagkain at retail na tindahan at mas maraming oras para sa duty-free shopping. Inaasahan ding magbubukas ang mga bagong restaurant sa loob ng taon.
Kaugnay nito, mula naman sa dati nitong masikip na estado, ang NAIA Terminal 4 ay angkop na ngayong na-convert sa isang turbo-prop terminal na nagsisilbi sa Cebgo, AirSWIFT, at Sunlight Air.
Nagsimula ang Terminal reassignment noong Disyembre 1, 2022 kung saan naging matagumpay ang paglipat ng mga flights ng PAL papunta at mula sa US, Canada, Middle East at Bali sa Terminal 1. Sinundan ito ng iba pang flights ng PAL papunta at mula sa Singapore, Ho Chi Minh , Hanoi, at Phnom Penh noong Abril 16, 2023.
Sa parehong araw, natapos din ng Jetstar Asia, Jetstar Japan, China Southern Airlines, Scoot, at STARLUX Airlines ang kanilang paglipat sa NAIA Terminal 3.
Ang Gulf Air, Thai Airways, Jeju Air, at Ethiopian Airlines ay lumipat naman sa NAIA Terminal 3 noong Hunyo 1 habang ‘natuldukan’ na ng PAL ang paglipat ng lahat ng international flights nito sa NAIA Terminal 1 noong Hunyo 16. (JOJO SADIWA)