SOCA ni Mayora Honey sa July 11 na
Advertisers
PORMAL na magpapahayag ng kanyang state of the city address (SOCA) si Manila Mayor Honey Lacuna sa July 11, 2023, sa susunod na Martes.
Sa kanyang directional meeting nitong Lunes, hiniling ni Lacuna sa lahat ng department heads na magsumite ng kanilang accomplishment na magiging bahagi ng kanyang basehan sa kanyang SOCA.
Hinikayat din niya ang lahat ng mga pinuno ng tanggapan, departmento at kawanihan na kumbinsihin ang kanilang mga kawani na samantalahin ang free medical checkup na ibinibigay ng city government employes’ clinic (CGEC).
Ayon sa alkalde ay kapuna-puna na may isang buwan na nang inalok ang free checkup pero hindi lahat ng mga empleyado ay nag-avail nito.
At dahil last day na ng free checkup sa July 15, umaasa si Lacuna na ang mga pinuno ng lahat ng mga tanggapan ay magdo-double time para hikayatin ang kanilang sariling staff na magpa-check up.
Bilang isang doktor, binigyang diin ni Lacuna ang kahalagahan na sa maagang panahon ay matugunan na kung anong karamdaman mayroon ang isang empleyado. At ito ay malalaman lamang sa pamamagitan ng medical checkup.
Sinabi pa ng lady mayor na nakalulungkot din kung minsan kapag may isang kawani o opisyal ang namatay dahil sa sakit na maari namang maiwasan kapag nalaman ng maaga.
Ayon kay Lacuna, totoo ang kasabihang ‘health is wealth’ dahil kapag ang mga city workers ay malulusog, maasahan mo na magiging mahusay sila sa kanilang trabaho at mga residente ang makikinabang at ang lungsod sa pangkalahatan. (ANDI GARCIA)