Advertisers
SA ilang episode sa “Gikan sa Masa, Para sa Masa” ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte (PRRD), sinabi niya, ‘yung pinaraming enhanced defense cooperation agreement (EDCA) ay magsisilbing mitsa sa pagsiklab ng US-China war, at wag sanang mangyari, damay ang Pilipinas.
May tension na sa agawan sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea (SCS), nadagdag pa itong EDCA na sa totoo lang, ito ay isang US military base na, at siyempre, dala ng mga Kano ang malalakas nilang war killing machines.
Sabi ng gobyerno, yung EDCA sites ay gagamitin para sa rescue operation sa panahon ng disaster, kalamidad at panlaban sa climate change – na siyempre, hindi pinaniniwalaan ng China, lalo na at ipinakita sa war games ng magkasamang puwersa ng AFP at US military ang pagpapasabog ng missiles, pagmaniobra ng barko ng US sa karagatang sakop ng WPS.
Tapos, nagdeklara pa ang US na kung totohanin ng China na sakupin ang Taiwan, anytime daw, tutulong sila para idepensa ito, at kahit ayaw natin, madadamay tayo kasi, sa gantihan, tatargetin ng China ang EDCA sites sa ating bansa.
Uulanin tayo ng mga bomba, missiles at iba pang armas de giyera ng China kasi nasa atin ang puwersa militar ng US.
Wag sanang mangyari ito, sana po.
***
Napag-usapan ang depensa militar natin at sa loob ng mahigit na 80 taon, hindi natin napalakas ang ating AFP at kung mapapansin, ang Philippine Army natin ang mas pinalakas natin, hindi ang ating Navy, Air Force at Coast Guard.
Siyempre, kasama na kailangang palakasin ay ang Philippine National Police (PNP) gawa ng insurgency CPP-NPA, ng MILF, MNLF at ng terorismo ng Abu Sayyaf Group nitong nakalipas na 50 taon.
E ngayon halos hindi na banta sa internal security ang mga grupong ito, kailangan nang baguhin ang estratehiya ng depensa laban sa panggugulo, bantang pananakop sa labas ng bansa.
Kailangan nang maging responsive, alerto at handa tayo, sabi nga ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana, laban sa “current and future non-conventional threats.”
Isa rito, ang walang tigil na panggigipit ng China at lubos na pag-okupa sa maraming isla at bahura sa Spratley Islands na sakop ng ating teritoryo sa WPS na ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, ay bahagi ng ating soberenya at exclusive economic zone (EEZ).
Puro lakas militar sa lupa ang pinalakas natin, ayon sa Commonwealth Act No. 1 ( National Defense Act of 1935) at napabayaan natin na palakasin ang ating depensa sa mga isla at bahura sa WPS.
E, napapaligiran tayo ng malawak na karagatan at mahina ang ating Navy, Coast Guard at Air Force kaya nga agresibo ang China dahil alam nito na matatanda at obsolete at kakarag-karag na barkong pandepensa natin laban sa agresyon na magmumula sa karagatan at sa himpapawid.
Aminin na natin, bangkang papel ang kaya nating isagupa sa nuclear warship, missiles at modernong eroplanong pandigma ng bansang magnanais tayong sakupin.
Tama lang nga noon na palakasin ang Philippine Army (PA) para labanan ang communist insurgency, ang kilusang paghiwalay ng rebeldeng Moro sa Pilipinas at ang terorismo.
Nakapatong sa balikat ng Army ang mabigat na responsibilidad na ipagtanggol ang bansa laban sa mga komunista, rebeldeng Moro at dayuhang terorista.
Noon naririto pa ang US bases sa Sangley Point, sa Subic, Clark at sa iba pang lugar ng Pilipinas, naging kampante na tayo na iasa ang ating depensa sa super militar power ng America.
Noong umalis ang US military, hindi na natin napalakas ang ating militar, at sa maraming programang isamoderno ang ating AFP, walang nangyari, at matatandaan, naibenta pa ang ilang kampo militar at lupang gobyerno sa panahon ng dating Heneral at Presidente Fidel Ramos, malaking tanong na walang makuhang sagot kung saan napunta ang pinagbentahan na ipinangakong gagamitin sa modernisasyon ng ating depensa militar at ng AFP, lalo na ang Navy at Air force.
Kung may binili tayong fighter planes, pinaglumaan na at pag nasira, sariling diskarte na lang ang ginagawa para mapalipad uli, at yung mga chopper na iniwan ng mga Kano sa pag-alis nila, naging flying coffin na ikinamatay ng marami nating air force men at sibilyan.
Kung may barko de giyera tayo, pinaglumaan na ng US at Japan, niretoke lang para mapaandar kahit kakarag-karag lang.
Hirap ngang makahabol sa matutuling sea vessels ng mga pirata, smugglers at sea poachers.
Ang kahinaan nating ito sa Navy, Coast Guard, at Air force ay kitang-kita nang okupahan ng China ang Mischief Reef noong 1995, at ang maraming isla sa Spratleys na tinayuan ng naval base ng Vietnam.
Na nasundan ng maraming harassment at pambubulyaw sa ating mangingisdang Pinoy sa Ayungin Shoal at iba pang bato at bahura na matagal na, mahigit nang 50 dekada na malayang pinangingisdaan nila.
Mahigit nang 400 diplomatic protest ang isinampa natin laban sa bullying ng China, pero parang toilet paper na ipina-flush lang ito ng embahada ng China.
Tinangka nga ni Ramos na isamoderno ang AFP at ni dating Pres. Gloria Macapagal Arroyo at ni dating PNoy Aquino at ni PRRD na walang gaanong nakitang paglakas ng ating depensa militar.
Nagpumilit si PRRD na isamoderno ang AFP, pero saan kukuha ng bilyon-bilyong dolyares na ibibili ng modernong armas at ang planong pagtatayo ng sarili nating industriya ng produksiyon ng armas tulad ng baril, mga bala at iba pang gamit sa giyera.
Maliit din ang puwersa ng mga sundalong AFP at kasama ang PNP, wala pa tayong isang milyong sundalo na may modernong gamit para isagupa sa milyon-milyong militia, sundalo ng Peoples Liberation Army ng China – na ikalawang super military power kasunod ng US.
Bukod sa wala tayong pera para sa modernisasyon ng ating lakas pambansa, kailangan ding ibasura na ang National Defense Act of 1935 at kailangang amyendahan ang batas natin – kasi may probisyon sa 1987 Constitution na ibinabawal ang polisiya sa pakikidigma at ang pagbabawal sa paggawa, pagpaparami at pag-iimbak ng armas nuklear!
E kung bawal sa atin ang makidigma, mag-armas nuklear, paano tayo lalaban sa kaaway na nais tayong sakupin?
At sa kasalukuyan, kung may sapat tayong lakas militar at magagaling na sundalo, sila sa kasalukuyan ay nakatuon pa rin sa paglaban sa banta ng teroristang lokal na komunista at ang rebelyon ng mga Moro.
Hindi lang ito, bukod sa kailangang dagdagan ang lakas ng 140,000 sundalo ng AFP, nasa tropa nito ay sa Army at konti lang sa PN, na kasama rito ang Philippine Marines, at sundalong Air force.
Kailangang palakasin, mabigyan ng moderong armas de giyera sa himpapawid at karagatan ang ating PN, Coast Guard at Air Force – at kailangan dito ang bagong batas, dagdag na pondo at ang pagdaragdag pang sibilyang militia na may kaalaman at kasanayan sa pakikidigma.
Dagdag pa sa kahinaang ito ay ang labis na politika sa bansa at ang padrino system at bata-bata system sa pagpupuwesto sa maraming matataas na posisyon sa AFP.
Ilan lang ito sa problemang kailangang ganap na tutukan ng admnistrasyon ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ng Kongreso, kung nais nating maisamoderno at mapalakas ang ating depensa militar laban sa mga bantang pananakop ng China o ng ibang bansa na alam ang kahinaan ng ating militar.
Walang duda sa tapang, pagka-makabayan ng ating mga sundalo, pero hindi na ito tulad ng nakaraang giyera: ang labanan ngayon ay ginagamitan hindi lang ng dami ng sundalo, higit ang mga gamit na armas nuklear at mas matayog na kaalaman sa teknolohiya, espionage at pakikipag-alyansa sa mga kaibigang malalakas na bansa.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.