Advertisers
NAKABABAHALA at nakapanghihinayang ang balita na aabot sa 124,000 lisensyado at rehistradong mga kababayan nating nurse ang walang trabaho, underemployed, o di kaya naman ay nagtatrabaho na hindi nagagamit ang kanilang mga natutunan sa mga kolehiyo at unibersidad.
Ang datos ay mula sa Filipino Nurses United (FNU), isang grupo na nagsusulong sa interes at kapakanan ng kanilang hanay.
Sinabi ng FNU na ang bilang ay base pa sa record nila noong 2021 o tatlong taon na ang nakaraan.
Ibig sabihin mataas ang posibilidad na nadagdagan pa ang bilang na iyan dahil ilang board exams na rin ang naganap simula noong 2021, kaya malamang naglalaro na sa pagitan ng125,000 hanggang 128,000 ang mga jobless nurses natin.
Subalit ang masakit ay tila wala pa ring ginagawang mga bago at tamang hakbang ang mga kinauukulan lalo’t higit ang pamunuan ng Department of Health (DOH) para lutasin ang problemang ito.
Sa totoo lang ay napakalaki ng pangangailangan sa mga healthcare worker lalo na sa mga nurse sa ating mga private at public hospital pero bakit may mga lumalabas na ganitong balita? Anong nangyari at ano ang dahilan?
Kung sa ibang mga opisyal at maging sa mga kritiko ng pamahalaan ay mas importante ang mga ingay at kaganapan sa pulitika, sa totoo lang ay mas mahalaga na matugunan ang mga suliranin sa public health care system natin at ng mga public healthcare worker kabilang na ang mga nurse.
Napatunayan na natin noong panahon ng pandemya hanggang sa kasalukuyan ang napakahalagang papel na ginagampanan ng mga nurse at iba pang mga healthcare worker natin para tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Marami sa kanila ang nagkasakit at nagbuwis din ng buhay habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin noong kasagsagan ng Covid-19.
Pero mukhang hindi pa sapat ang ginagawa nilang mga sakripisyo para mabigyang pansin ng mga namumuno sa pamahalaan ang mahirap nilang kalagayan.
Ang mas masaklap pa karamihan sa mga benepisyo na dapat sana ay naibigay na sa kanila kaugnay ng mga serbisyo na ginawa nila noong pandemya ay hindi pa rin naibibigay sa kanila ng kumpleto.
Dahil dito ay naoobliga silang mag-rally sa mga lansangan para manawagan sa pamahalaan na ibigay na ang mga benepisyo na nakalaan talaga sa kanila na umaabot sa bilyon-bilyong piso.
Sa ilalim kasi ng Bayanihan Law 1 at 2, ay may kompensasyon at benepisyo ang mga healthcare worker mula sa pribado at pamahalaan kung nagkasakit sila ng Covid-19.
Dapat na makatanggap din sila ng special risk allowance (SRA), meal, accommodation, and transportation benefits (MAT), hazard pay at iba pa.
Pero sa malas, karamihan sa kanila hanggang ngayon ay hindi pa kumpleto ang mga benepisyo na dapat ay ibinigay na sa kanila ng pamahalaan.
Kaya di natin masisisi ang marami sa kanila kung lumayas na lang at mas piliin na magtrabaho sa ibang bansa dahil doon ay nabibigyan sila ng mas mataas na sweldo at ibat-ibang benepisyo.
Hindi tulad dito na para silang laging nagmamakaawa para lang maambunan ng kahit konting biyaya na para naman talaga sa kanila.
Hay naku! Kawawang mga Pinoy nurse!