Advertisers

Advertisers

Bong Go sa water concessionaires: TIYAKING SAPAT ANG SUPPLY NG TUBIG

0 167

Advertisers

NABABAHALA si Senador Christopher “Bong” Go sa napipintong water service interruptions na ipatutupad sa mga bahagi ng Metro Manila simula Hulyo 12 dahil sa inaasahang epekto ng El Niño phenomenon.

Sa panayam matapos tulungan ang mga biktima ng sunog sa Quezon City, binigyang-diin ng senador na responsibilidad ng mga water concessionaires na maghatid ng maaasahan at walang patid na serbisyo sa publiko, na kanilang ipinangako matapos isapribado ang water sector.

“Alam n’yo kaya nga po na-privatize po ito para bigyan n’yo po ng maayos na serbisyo ang ating mga kababayan. Alam n’yo ang mga kababayan natin nagbabayad po ‘yan nang tama at sapat. Dapat po ibalik ito sa maayos na serbisyo,” ani Go.



Ginawa ni Go ang pahayag bilang tugon sa water service interruptions dahil sa pagbaba ng alokasyon ng tubig mula sa Angat Dam, na ipinatupad ng National Water Resources Board upang makatipid ng tubig sa gitna ng napipintong El Niño phenomenon.

Binigyang-diin ng senador ang napakahalagang papel ng tubig sa pang-araw-araw na buhay at idiniin na ang water concessionaires ay dapat maghanap ng solusyon upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply.

“Napakahirap po na walang tubig. Napakahirap na walang kuryente. Alam mo, tubig napakaimportante niyan, diyan tayo umiinom at naghuhugas, lalo na ngayon na nasa panahon tayo ng pandemya. Kailangan ‘yung sanitation din po, malinis parati… gawan n’ yo po ng paraan,” sabi niya.

Ikinabahala ng senador na ang mga mahihirap ay lalong mahirapan dahil walang mapagkukunan ng tubig.

“Kawawa naman ang taumbayan lalong-lalo na ang mahihirap na walang sapat na paglalagyan ng pag-iigib. ‘Yung iba umaasa lang sa supply na diretso sa kanila, walang sariling mga tangke. Buti ang mayayaman, may tangke kayo, paano ang mahihirap nating kababayan,” hinaing ni Go.



Habang kinikilala ang mga dahilan ng pagkaantala ng serbisyo, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa pampublikong kaginhawahan at pagtugon sa isyu nang mabilis.

“Kaya nga po may mga rason sila, pero you should address it immediately. Importante rito ‘yung public convenience. Bigyan natin ng maayos na serbisyo, convenience ‘yan, aberya ang walang tubig,” ayon kay Go.