Advertisers
NAKUMPISKA ng Bureau of Plant and Industry (BPI) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Customs (BOC-NAIA) ang 66.1 kilo ng sari-saring prutas na dinala ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 na galing sa South Korea, Malaysia at Guangzhou, China.
Ayon sa ulat ng BOC-POrt of NAIA, naharang ng Customs examiners ang 66.1 kilo kabilang ang 8.5 kilo ng Cherries na dinala ng mga pasahero mula South Korea, 21 kilo ng Mango mula Bangkok na dinala ng pasahero mula Malaysia, 10 kilo ng Mango, 20 kilo ng Lansones, 2 kilo ng Wax apple (Makopa) at 1.7 kilo ng persimmon na dala ng 3 pasahero mula sa Guangzhou, China at isa pang 2.9 kilo ng Cherries at Peaches na dala ng isang Chinese na pasahero mula sa China.
Sinabi ng BPI at customs officials sa NAIA na dinala ng mga pasahero ang nasabing ‘assorted fruits’ nang walang kinakailangang import at phytosanitary permit. Ang nasabing mga prutas ay maaaring may mga peste o bacteria na sisira sa ating sariling mga pananim.
Ang mga nakumpiskang agricultural products ay sisirain sa pamamagitan ng tamang pagsunog sa pasilidad ng naturang ahensiya sa lungsod ng Maynila. (JOJO SADIWA)