Advertisers

Advertisers

Timbog sa raid!

0 867

Advertisers

NATIMBOG si Amadeo Municipal Vice Mayor Conrado Viado ng lalawigan ng Cavite dahil sa pag-iingat ng matataas na kalibreng baril tulad ng sniper rifle. Sa kabuuan ay 21 na high-powered firearms ang nakumpiska sa grupo ni Viado na inaakusahan pa ng kapulisan na kumikilos bilang isang gun for hire group.

Nakakalito ang mga ulat na naglabasan sa mga pahayagan at social media hinggil sa isinagawang raid ng Cavite PNP sa bahay ni Viado at sa mga kilalang kapanalig nito.

Kung pagbabatayan ang mga magkakasalungat na balita hinggil sa pagkaaresto kay Viado, halos nakatitiyak ang inyong lingkod na aabsuwelto ang vice mayor sa mga akusasyon laban sa kanya.



Madaming mga “butas” sa paratang sa naturang lokal na opisyal, inaakusahan pa siyang lider daw ng “Asiong Group” at pati na yaong mga matataas na kalibreng baril katulad ng sniper rifle na nasamsam sa isa sa mga kapanalig ng vice mayor ay sa kanya rin idinadatus ng raiding team.

Batay pa rin sa may apat na magkakaibang ulat na nakarating sa SIKRETA ay walong katao na sinasabing mga tauhan ni Viado ang nadakip matapos na makumpiskahan ang mga ito mula sa kani-kanilang mga bahay ng ibat-ibang klaseng malalakas na kalibreng baril.

Bukod sa sniper rifle ay nakadiskubre rin daw ang pulisya ng apat M-14 rifles, tatlong M-16 rifles, isang. 30 Carbine, isang shotgun, pitong .45 pistols, dalawang .22 rifles, isang .380 pistol at isang .38 revolver.

May 40 piraso ng M203 ammunitions ang nasamsam din sa mga suspek, iba’t ibang uri ng bala at dalawang rifle scopes.

Kinilala ang mga arestadong suspek na pawang ikinakawing kay Viado na sina Roberto Gonzaga, Cristobal Catimon, Arnel Atienza, Guillermo Viado, Romeo Ambata Jr., Jarinya Trinidad, Florencio Dimaano, at Neil Tibayan.



Ayon pa rin sa ulat, si Viado ay lider ng tinataguriang “Asiong gun for hire group”. Meron nga bang gun for hire group na tumutugma sa ganitong katawagan, di kaya likha lamang ito ng mapaglarong isipan ng raiding team ng pulisya?

Batay pa rin sa balita ay dalawa lamang lisensyadong baril ang nadiskubreng nasa pag-iingat ni Viado. Ano ngayon ang nilabag na batas ng vice mayor kung awtorisado itong mag-ingat ng baril?

Kung ang ulat na wala raw Permit to Carry outside residence (PTCOR) ang vice mayor, what’s wrong with it, malaki bang paglabag sa batas ang nasabing akusasyon? Hindi ba revocation lang ng iniisyung lisensya ng Firearms and Explosive Office ang maaring maging sanction kay Viado?

Dapat linawin ng awtoridad kung papaanong napagtibay ng korte ang pag-iisyu ng search warrant kay Viado gayong isa itong lehitimong firearm license holder?

Ang grupo ng mga raiding team ay pinangungunahan nina P/Col. Lambert Suerte ng RMFB-4A, LtCol. Egbert Tibayan, LtCol. Vicente Cabatingan ng Cavite PNP PIU, at Amadeo MPS Chief, Capt. Rommel Dimaala.

Tagubilin daw ni PNP Region 4- Directoir, PBG Vicente Danao Jr., sa kanyang kapulisan ay “huwag matakot sa mga pulitiko basta’t may paglabag ipatupad ang batas na nararapat, kahit pa pulitiko, huwag kayong magpatakot, basta lumabag, ipakita niyong may batas tayo dito, Hulihin niyo!” Talaga lang ba general?

Ngunit bakit hindi gumagalaw ang police chief ni General Danao Jr., sa bayan ng Carmona, si P/Maj. Diana DC Del Rosario laban sa mga salot na kriminal na sina alias Bokal Cholo at Amang Kupal?

Ang armado rin ng matataas na kalibre ng baril na grupo nina Bokal Cholo at Amang Kupal ay lantarang nagpapatakbo ng paihian, patuluan at pasingawan na tinatawag ding “burikian” ng petroleum product at Liquefied Petroleum gas (LPG) sa Brgy. Bancal ng nasabing bayan, ngunit tila estatwa lamang doon si Maj. Del Rosario?

Kung tutuusin higit pang mapanganib ang grupo nina Bokal Cholo at Amang Kupal kesa tulad nina Vice Mayor Viado.

Liban sa kargado rin ng mataas at di lisensyadong mga baril ang kuta ni alias Bokal Cholo at Amang Kupal ay nag-iimbak din doon ng shabu sa kanilang pinagkukutaang Brgy. Bancal ng nasabi ring munisipalidad. Ang mga droga ay ipinabebenta ng dalawa sa kanilang mga tauhan at iba pang street drug pusher sa lalawigan ng Cavite.

May tongpats nga kaya kina Major Del Rosario at sa iba pang PNP operating units sa Cavite at PNP Region 4-A kina Bokal Cholo at Amang Kupal kaya mistulang submarino ang operasyon, nakalubog kaya hindi ma-raid ng kapulisan?

Balewala ang matatagumpay na anti-criminality campaign ni Cavite PNP Provincial Director, Col. Marlon Santos kung sina Bokal Cholo at Amang Kupal lamang ay di pa kayang tiklupin nito.

Mistulang binebeybi pa ng mga opisyales ni Col. Santos, sina alias Bokal Cholo at Amang Kupal kaya ang kayang-kaya lamang nina LtCol Cabatingan, LtCol. Tibayan at Col. Suerte ay isang tulad lang ni Vice Mayor Viado. Baka naman may hidden agenda at cash-unduan sa pananahimik ng Cavite PNPO kina Bokal Cholo at Amang Kupal?

Paano ba namang hindi mapaghihinalaan na ang lady top cop ng Carmona na si Del Rosario ay “namamantikaan din ang nguso” nina Bokal Cholo at Amang Kupal gayong nasa tungki lamang ng ilong nito ang operasyon ng mga naturang kampon ni satanas ay di nito naamoy?

Ang opisina ni Del Rosario sa Loyola Street, Brgy. Naduya ng bayan ng Carmona ay di naman kalayuan sa kinaroroonan ng kuta ni Bokal Cholo at Amang Kupal, ngunit kataka-takang di ang mga ito makanti ng mabunying lady cop.

Huwag sanang matapalan ang mata ni Del Rosario ng “dirty money” nina Amang Kupal at Bokal Cholo na nagpapakilala pang kumpare ni Col. Santos.

In fairness kay Col. Santos hindi tayo mapaniniwalang nakikipagmabutihan na ang idol nating top cop ng Cavite sa mga ilegalistang sina Bokal Cholo at Amang Kupal.

Kaya naman upang di mapagdudahan si Col. Santos, action please…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.