Advertisers
BILANG bahagi ng pagdiriwang ng Family Planning Month, mas pinaiigting pa ng Commission on Population and Development (PopCom) ang kanilang information campaign kaugnay ng pagpaplano ng pamilya o family planning.
Katunayan, sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PopCom Executive Director Undersecretary Lisa Grace Bersales na gumagamit na sila ng social media para maglabas ng mga audio o video presentation kung saan tinuturuan dito ang mga magulang na mag-isip sa tamang bilang ng mga anak.
Nais aniya ng PopCom na ang mga bata ay maging malusog habang malaking bagay din ang pagpunta sa mga health centers kung kailangan nila ng tulong sa access ng contraceptives.
Binigyang diin ng opisyal na masigasig ang kanilang tanggapan na maimulat sa katotohanan ang mamamayan ukol sa pagpaplano ng pamilya.
Sinabi ni Bersales na tinutukan nila sa kampanyang ito ang mga batang ina o nabubuntis na ang edad ay sampung taong gulang lamang hanggang labing-apat na taong gulang.
Maliban dito, iginiit niya na malinaw na isinusulong ang human rights dito sa Pilipinas kung saan may karapatan ang bawat Pilipino na magdesisyon tungkol sa kanyang buhay o magpasya kung ilan dapat ang kanyang magiging anak.
Kaya naman, ipinunto ni Bersales na hindi nila kinukontrol o sinisikil ang karapatang ito ng Pinoy kundi ginagabayan lamang sila sa tamang pag-aaruga ng kani-kanilang mga pamilya.
Samantala, nagpahayag din ng suporta si Bersales sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) na planong ipatupad ng Department of Education (DepEd) sa mga eskuwelahan. (Gilbert Perdez)