Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
MATINDI pala ang pinagdaanan ni Alfred Vargas nang madagdagan ang timbang at lumihis sa dating nakasanayan ng publiko na itsura niya; ang pagkakaroon ng matipunong katawan.
Isa si Alfred sa mga matatawag na hunk actor noong aktibung-aktibo pa siya sa paggawa ng pelikula at pinantasya at kinabaliwan ng marami.
At sa Youtube channel ni Alfred (na konsehal ng Distrito 5 ng Quezon City) ang “Vargas Tries, pwede!” ay inamin nitong bumaba ang kanyang self-esteem at na-depress dahil tumimbang siya ng 251 lbs.
Pagbabahagi ni Alfred sa unang episode ng kanyang Youtube channel…
“May aaminin ako sa inyo… there was a time bumaba talaga ang self-esteem ko, nag-iba ang buhay ko.
“I was so depressed.
“Hindi ko nahalata isang umaga pagharap ko sa salamin kahit yung sarili ko hindi ko nakilala yung taong nasa salamin.
“And doon na parang gumuho ang mundo ko and doon… parang iyon ang pinaka-wake-up call ko. Dahil nga unti-unti ay umabot na pala ako sa 251 lbs!”
Sinabi pa ni Alfred na nag-iba ang buhay niya sa paglaki ng katawan niya. Umabot siya sa punto na ang pakiramdam niya ay matandang-matanda na siya.
“Dati kapag nasa mall ako yung mga tao tatawagin ako at lalapit pa sa akin, ‘Papa Alfred!’
“Tapos lately medyo lumaki na ako, yung iba hindi na ako nakikilala tapos yung iba naman nakikilala pa ako pero ang tawag sa akin, “Tito Alfred” na.
“So what’s funny about this is hindi ko nahalata. Hanggang iyon na nga, isang umaga pagharap ko sa salamin kahit sarili ko hindi ko na nakilala kung sino yung taong nasa salamin.
“And doon parang gumuho ang mundo ko and iyon ang pinaka-wake-up call ko.
“Sabi ko dapat magbago ako and this time around nag-decide ako na I will not do this for vanity, I will not do this for projects, I will do this for my children.
“Para maipakita ko sa aking mga anak kung gaano ko sila kamahal by trying to live the longest that I can.
“From 251 lbs. now I am 201 lbs.,” pagbabahagi ni Alfred tungkol sa halos tatlong taon na niyang struggle sa kanyang buhay.
Sinimulan ni Alfred ang pag-eehersisyo at ipinakita niya sa kanyang Youtube channel ang ilang ehersisyong nakatulong sa pagbaba ng kanyang timbang.
Ito ang Parkour na sa tulong ni Ms. Kate Robles, isang single mom na may katulad ding problema ni Alfred at coach Raven Cruz ay itinuro nila ang paraang ito.
Samantala, ang “Vargas Tries, pwede!” ay regalo ni Konsehal Alfred kasama ang kapatid na si Quezon City 5th District Congressman PM Vargas sa kanilang mga Solid Friendship na mga kaibigan at followers na labingwalong taon na nilang kasama.
Sa kanilang Youtube channel ay maaaring mag-request ang fans sa gustong ipagawa kay Alfred na sabi nga niya ay marami na siyang nagawa pero kahit hindi pa niya nagagawa ay maaari ring i-request.
“Nasubukan ko na maging tatay on-cam, at ngayon off-cam na rin. “Nasubukan ko nang maging sundalong diwata at naging sireno na rin at naging bayani na rin ako.
“Pati ang paglilingkod pinasok na rin natin.
“E ano pa ba ang gusto n’yong i-try natin? Maging driver? O maging magsasaka? Maging teacher, maging barangay tanod? O maging talk show host. Pwede!
“Samahan niyo akong subukan ang iba’t ibang larangan dito lang sa ‘Vargas Tries, pwede!’,” pag-iimbita pa ni Alfred sa kanyang channel na every two weeks ay may bagong content na ina-upload.
Pero sa mga susunod na buwan ay weekly nang mapapanood ang mga latest tungkol sa magkapatid na Alfred at PM Vargas.