Advertisers
MARAMING salamat sa pamunuan ng Department of Public Service (DPS) ng Manila City government sa paghakot sa aming basura sa National Press Club (PNC).
Thank you, Ma’am Kylie Amurao, DPS Chief; and Rob Martin, DPS District 5 head. Thank you din sa inyong mga tauhan na nagpala sa nakatambak na basura ng NPC. Sa uulitin, mga bosing! Libre kayong magkape sa NCP Bar, sagot ni Director Aya Yupangco pero charge kay Bambie Purisima.
***
Ang Police Files TONITE ay nakikiramay sa pamilya Lacuna sa pagyao ng kanilang ama, dating Vice Mayor Danny Lacuna.
Condolence, Mayor Honey Lacuna-Pangan…
Alam n’yo, noong bise alkalde pa si Danny ay nabatikos ko siya ng todo todo. Muntik pa kami magrambol sa loob ng Cafe de Malate, ang paboritong tambayan ng media people at politiko sa Ermita.
Dinemanda ako ni Danny ng Libel, 12 counts. Nagpiyansa ako ng P120K! But at the end…naging mag-best friend kami. Sinasama nya pa ako noon sa ticket niya nang tumakbo siyang alkalde. Kaso nakatiket na ako kay Fred Lim. Sabi niya: “Bakit ka sumama kay Chiquito, walang pinapanalong konsehal yan. Kung sa akin ka, matagal ka nang konsehal,” sabay tawanan namin.
Masarap kasama si Danny lalo sa inuman. Hehehe… Ang hindi ko makalimutan sa mga sinabi niya sa akin ay: “Joey nung dyinadyaryo mo ako araw-araw, tuwang tuwang si Inday (misis niya) kasi hindi na ako pumupunta ng club, maaga na akong umuuwi” sabay tawa niya.
Naikuwento pa niya sa akin na takot siyang uminom o kumain sa mga karinderya. Kasi baka masaksak daw siya ng tambay. Hehehe… Dyahe naman daw na ang makapatay sa kanya ay kanto boy lang, eh Vice Mayor daw siya. Oo nga naman. Hehehe…
Rest in peace, Vice Danny Lacuna, kaibigan!
***
Unti-unti nang nabubunyag ngayon kung sinong buang na politiko ang nangako sa China government na alisin ang nakabarang barko ng gobyerno, BRP Sierra Madre, sa Ayungin Shoal.
Matatandaan na sinabi ng China govt. na 25 years ago ay ipinangako sa kanila ng Pilipinas na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal pero hanggang ngayon ay nandoon parin ito.
Ipinahayag ito ng China matapos ang insidente ng pambobomba ng water cannon sa China Coast Guard (CCG) sa supply boat ng Armed Forces of the Philippine (AFP) na maghahatid sana ng suplay sa mga sundalo na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre noong Agosto 5, 2023.
Kasunod nito ay pinaaalis ng China ang BRP Sierra Madre na bumara sa Ayungin Shoal noong 1999. Kanila raw ang Ayungin Shoal.
Ang Ayungin Shoal ay 105 nautical miles west ng Palawan, pasok na pasok sa 200 nautical miles economic exclusive zone ng Pilipinas.
Sinabi ng dating spokesman ni dating Presidente Gloria M. Arroyo na si Rigoberto Tiglao na si dating Pangulo “Erap” Estrada ang nangako sa China na alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Todo tanggi naman ang mga anak ni Erap na sina Senador Jinggoy Estrada at Senador JV Eercito. Hindi raw ito totoo. Si Arroyo daw ang “nagkulang”.
Si Erap ay higit 2 years lang sa puwesto nang ma-impeach siya, at umupong Presidente ang VP noon na si Arroyo na naging pangulo ng 9 years!
Bakbakan ito. Subaybayan!