Advertisers
TIYAK na “sasabit” ang isang hepe ng kapulisan sa lalawigan ng Rizal kung totohanin at paninindigan ni PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., ang paglilinis sa hanay batay na rin sa naunang polisiya ng Philippine National Police (PNP) na “Internal Cleansing” sa loob ng naturang organisasyon.
Kaakibat ng pamumuno sa organisasyon ay ang responsibalidad at ang mabigat na pananagutan, kaya ang mga chief of police, provincial director, city director at regional director na nabigyan ng kapangyarihan sa bisa ng mandato ng “police service” ay may pananagutan batay na rin sa doktrina ng command responsibility.
Kaya kung totoo na may pagkukulang at pagpapabaya sa kanyang tungkulin ang hepe ng kapulisan ng San Mateo, Rizal na si PLt Col Rodolfo Santiago dahil sa di pag-aksyon nito laban sa lantaran at hayagang operasyon ng iligal na sugal na COLOR GAMES at DROP BALL na pinagkakaguluhan gabi-gabi ng mga sugarol at adik na matatagpuan sa may Kambal Road, Barangay Gitnang Bayan San Mateo, Rizal ay pagpapabaya sa tungkulin ang tawag dito.
Kaya kung totoo na nagpabaya nga itong si PLt Col Santiago at walang kakayahang supilin ang inuumagang sugal na yan sa kanyang Areas of Responsibility (AoR) ay wala na siguro itong karapatan na manatili pa sa kanyang puwesto dahil nagiging KONTRABIDA lamang ito sa ipinatutupad na “internal cleansing” at “One Strike” Policy ni PNP Chief, General Benjamin Acorda Jr., dahil nakakahiya rin ito kina Rizal PNP Provincial Director PCol Dominic Baccay at Calabarzon PNP Regional Director PBGen Carlito Gaces.
Itinuturing na notoryus ito dahil sa marami na ang mga naging adik sa sugal na kapag wala ng pangsugal ay doon na gagawa ng krimen mangholdap magnakawa at pumatay. Walang pinagkaiba sa shabu ang sugal at pareho silang nakakaadik.
Matatandaang sinabi ni PNP Chief, Acorda Jr. sa kanyang naging speech sa isinagawang change of command ceremony sa Camp Crame na ipagpapatuloy niya ang “Internal Cleansing’ o paglilinis sa kanilang hanay.
Sinabi din ni Acorda, na walang pulis na dapat masangkot sa paggamit, pagtutulak ng ilegal na droga at pagprotekta sa ilegal na sugal dahil hindi umano siya magdadalawang-isip na kasuhan at ipatanggal ang mga ito sa serbisyo.
Naku lagot ka PLtCol Santiago, Sir!
Ops Teka, ano naman kaya ang dahilan ni Barangay Captain Jomer Cruz ng Guitnang Bayan 1 at napaka tahimik nito sa isyu ng sugalan sa kanyang nasasakupang barangay?
Alalahanin mo kapitan ilang araw nalang kampanyahan na sa mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE 2023) baka sa kangkungan kayo pulutin kapag hindi nyo ito pinahuli at pinatigil.
Tutukan natin!
***
Suhestyon at Reaksyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com