Advertisers

Advertisers

BUGNUTING SARA

0 1,280

Advertisers

KAHIT bago mag-umpisa noong Miyerkoles ang public hearing ng House committee on appropriations na pinangungunahan ni Rep. Zaldy Co ng Ako Bicol Party List Group, may plano ang kampo ni Sara Duterte na isabotahe ang public hearing. Magbibigay lang ng presentation si Sara tungkol sa OVP. Pagkatapos, aalis ng walang abog upang maiwasan ang sitwasyon kung saan sasagot siya sa mga tanong na mahirap.

Sa maikling salita, mapupunta sa official record ng komite ang kanyang presentation, ngunit wala ang anumang tanong o pahayag na kontra sa kanyang presentation. Dahil wala sa official record ang mga pahayag na kontra, tuloy tuloy ang pagpasa ng panukalang budget ng OVP sa plenary session at deliberation. Malinaw na may sabwatan. Malinaw na bastusan ang mangyayari sa Camara de Representante.

Ganoon na nga ang nangyari. Nagbigay si Sara ng presentation ng panukalang budget ng OVP. Umaabot ito sa mahigit sa P2.38 bilyon kahit na walang trabaho ang bise presidente kundi hintayin matigok ang presidente upang siya ang humalili. Binanggit din ang tungkol sa panukalang P500 milyon na confidential at intelligence fund para sa OVP.



Dito nag-umpisa ang hindi maganda. Pinatayan ng mikropono si Rep. France Castro ng ACT Teachers’ Party List nang kumontra siya sa panukalang budget ng OVP. Hindi pinagbigyan si Castro na ipahayag ang pagtutol sa napakalaking confidential fund ni Sara. Binastos si Castro habang nagsalita ng pagtutol sa mikropono.

Nagtayuan at sabay-sabay umalis si Sara at mga staff sa public hearing. Walang paalam kahit katiting sa nakaupong chair. Bastusan ang nangyari sa Camara. Hindi naiintindihan ng kampo ni Sara ang kagandahang-asal.

Dahil sa nangyari, walang ibang dapat gawin si Rep. Castro kundi dalhin sa sambayanan ang kanyang hinaing. Ayaw makinig ang Kongreso dahil magkakabistuhan ang kani-kanilang sabwatan sa nakawan sa pera ng sambayanan.
***
KASALANAN ng mga netizen na kumuha at nagpaskel sa social media ang pambabatok, pag-aalisputa, pagmumura, pananakot, at panunutok ng baril ng isang dating pulis na nangangalang Wilfredo Gonzales sa isang hindi nakilalang siklista sa Welcome Rotunda ng Espana. Kasalanan ng publikong nagalit dahil hindi maganda ang epekto sa kanyang pamilya ng video na nakuha sa abusadong dating pulis.

Kasalanan ng mass media – tradisyunal tulad ng tabloid, radio, diyaryong broadsheet, TV, at di tradisyunal tulad ng social media – ang malaking publisidad sa ibinigay kay Wilfredo Gonzales. Hindi siya umano binigyan ng pagkakataon na magpaliwanag ng kanyang panig sa nangyari alitan sa Quezon City. Hindi umano tama na husgahan siya kaagad.

Biktima si Gonzales ng mapaghusgang publiko kung pakikinggan ang kanyang paliwanag. Kasalanan ng lahat maliban sa kaniya na nanakot, nambatok, nagmura, nanutok ng baril, at nangikil ng P500 mula sa siklista. Pinagtulungan siya ng publiko at kung sino-sinong sumawsaw sa kanyang isyu.



Sumawsaw si Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagpahayag na walang puwang sa kanyang lungsod ang pang-aabuso sa kapuwa. Samantala, mukhang natakot ang siklista, ayon sa abugadong si Raymond Fortun. Alarm and scandal lang ang isinakdal na pulisya kay Gonzales.

Sumawsaw rin si Bato dela Rosa na nagsabing “kumbinsido” siya na hindi dapat payagang magdala ng baril si Gonzales na namatok at nagkasa ng baril laban sa nakaalitang siklista. Hindi sinabi ni Bato kung ano ang dapat dalhin ng dating pulis.

Sumikat lang ang bugnuting dating pulis. Nakilala siya ng tuluyan kahit tinanggal siya sa serbisyo noong 2008 dahil kasama siya sa pangingikil sa dalawang Intsik na sangkot sa pagpupuslit ng droga sa bansa. Mukhang walang mangyayari sa dulo. Samantala, nagbitiw si Brig. Gen. Nicolas dela Torre bilang hepe ng Quezon City Police District at nais niyang talikuran ang naunang pananagutan sa nangyari.

Ngayon, iniutos ng PNP na samsamin at kanselahin ang lisensya ng kanyang apat na baril. Iniutos ng LTO na suspendihin ng 90 na araw ang kanyang lisensya sa pagmamaneho. Hindi niya iinda sa mga parusa. Tatawanan lang niya ang mga ito.
* **
DEFENSIVE si Sara Duterte sa usapin ng P125 milyon na confidential fund na naubos sa huling 19 na araw ng nakaraang taon. Kailangan ipaliwanag niya ng maayos at tama upang maalis ang alinlangan na kinangkong ng kampo niya ang pera ng bayan. Palalo si Sara sa mga usapin ng bayan. Hindi siya nalalayo sa kanyang ama. Wala siyang pakialam kung ano ang sasabihin ng mundo sa kanya. Basta makuha lang ang gusto niya.

Hindi nagtatapos sa pagkaubos ng confidential fund ni Sara ang isyu. Nanatili din ang isyu ng mga learning aid na pilit ipinatatanggal ng nagmamagaling na kalihim na umamin na hindi niya ganap na nauunawaan ang edukasyon. Mistulang bumubula sa galit ang bibig ng kalihim ng kanyang igiit na parurusahan ang mga guro na hindi sumunod sa kanyang utos. Mukhang diyosa ang pakiramdam ng guro hindi nauunawaan ang kahalagahan ng mga teaching aid.

Mukhang hindi alam ng diyosa ng Davao City na galit ang itinatanim niya sa puso ng mga guro. Hindi sila ngayon gaganti ngunit hindi siya kalilimutan at darating ang panahon na gagantihan siya ng lihim na kahit siya ay hindi mauunawaan. Marunong magtanim ng galit ang mga guro sa hinaharap. Iyan ang pagkakaingatan niya dahil markado siya sa kanila.
***
SA pagharap ni Gen. Romeo Brawner, chief of staff ng AFP, sa public hearing ng Commission on Appointments, tinanong siya ni Sen. Rosa Hontiveros sa pagpapalakas ng AFP. Sagot niya:

“Because of the advent of new technology in warfare, we will have to also adjust our doctrines and our organization. Because of the arrival of missile systems which will be using to defend our territory from possible external aggression, we will have to create units that will be able to man these modern weapons. In the Philippine Army for instance we are proposing for the creation of a missile regiment, which will be the one in charge of maintaining and. later on if needed, firing these weapon systems.

“Another aspect that we have to focus on is on cyberwarfare. In the recent chiefs of defense conference that I attended with 24 other countries, one of the emphases that was given in that conference is the importance of the cyberdomain. Dahil po ngayon hindi lamang land, water, o air domain ang hinaharap natin or ginagalawan natin, but we also have the cyberdomain and I believe that in the cyberdomain we can play equally with the other nations. Kaya po nating lumaban dito. That is why this is one of the focus areas that we are looking into. We are going to develop our cybercommand. Palalakihin po natin yung ating mga cybergroups. May mga cyberunits po yung ating mga major services but we will look at creating a bigger cybercommand and integrating all of these cybergroups that we have in the major services.”

***

Email:bootsfra@yahoo.com