Advertisers
WALA rin palang kuwenta itong SIM card registration sa mga telecom company dahil kahit mukha ng hayop ay narerehistro.
Oo! isiniwalat ng Bureau of Investigation (NBI) sa Senate hearing na nakalusot ang pagpaparehistro ng SIM cards sa mga telecom company kahit mukha ng hayop gaya ng nakangising unggoy ang nakalagay sa identification card (ID) ng nagpaparehistro.
Sa pagdinig nung Martes, Sept. 5, ng Senate Committee on Public Services tungkol sa ipagpapatupad ng SIM card registration law, isiniwalat ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc na bumili ang kaniyang grupo ng SIM cards sa iba’t ibang telco at sinubukan nila itong irehistro gamit ang ID na may mga mukha ng hayop at iba’t iba ang pangalan.
“Pumasok parin, actually,” sabi ni Lotoc, na ipinakita ang ID na may mukha ng nakangising unggoy.
Tuloy, sabi ni Lotoc, nahihirapan silang hanapin ang mga scammer na gumagamit ng SIM card sa iregularidad dahil sa mga maling impormasyong nakalagay ng taong nakarehistro sa SIM card.
Ang palusot naman ng mga kinatawan ng telco, marami raw kasing iniwasan ang implementing rules and regulation sa SIM Regulation Act kagaya ng Data Privacy Law. Kaya konting detalye lang ng aplikante ang kanilang hinihingi.
At mababa lang din ang parusa sa lalabag.
Isiniwalat naman National Telecommunication Commission (NTC) na sa kabila ng SIM Registration Act ay nakatanggap parin sila ng 45,000 na reklamo sa text scams.
Iminungkahi naman ni Senador Grace Poe, chairperson ng komite, na amyendahan ang IRR ng batas para maisama ang pagkakilanlan ng mukha ng may-ari ng SIM card.
“It’s actually looking like what we have now is not really sufficient so we will have to go back to the drawing board and probably with the cooperation of the NTC, maybe we can amend the IRR,” diin ng Senadora.
Nagsagawa ng pagdinig ang komite ni Sen. Poe dahil narin sa patuloy na paagbaha ng mga reklamo ng text scams sa kabila ng ipinatupad na batas, SIM Regulation Act.
“Gumawa tayo ng batas pero mukhang nagkukulang sa implementasyon,” diin ng Senadora. Mismo!
Sa mga ni-raid na POGO hub sa Paranaque City at Pasay City ay nakasamsam ang mga awtoridad ng mahigit 28,000 rehistradong SIM cards na ginagamit daw sa mga pangloloko.
Hanggang ngayon ay marami parin ang nakakatanggap ng mga text ng panloloko na kapag inireklamo at inimbestigahan ay hindi parin matukoy ng mga awtoridad. Ako mismo ay nakatanggap ng text na galing daw sa bangko. Kailangan ko raw i-click ang website na ito para malaman ang problema sa bank account ko. Na kapag sinunod mo ang instruction sa text ay malamang masimot ang kuwarta mo sa bangko. Pero dahil alam kong ito’y isang panloloko. Binura ko ang text.
Kailangan pandayin uli ng kongreso ang SIM Registration Act ora mismo dahil lumalabas na walang kuwenta itong nabuo ninyong batas, Mr. Senate President Migz Zubiri at House Speaker Martin Romualdez, andami paring manloloko sa text. Animal!!!
***
Dapat inspeksiyunin ng maigi ng Comission on Audit ang ‘Cross Country Roads’ projects ng Sunwest Construction ng tropa ni Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Kho sa Romblon province partikular sa Tablas island dahil sa mga ginawang kalsada sa kabundukan na hindi nadadaanan dahil ubod ng tarik at talagang walang gamit para sa mga mamamayan. Obviously ay pinagkakitaan lang ng mga politiko sa Romblon ang proyektong ito.
Tuldukan!