Advertisers
TINABLAN din ng hiya si retired Police Brigadier General Ma’O Aplasca. Nagbitiw na ito bilang hepe ng Office of Transportation Security (OTS) nitong Martes.
Ang naging palusot nalang ni Aplasca sa kanyang pagbibitiw ay upang hindi na raw madamay pa ang OTS sa naging banta ni House Speasker Martin Romualdez na haharangin ang pondo ng Tanggapan niya sa budget hearing sa Kongreso kapag hindi lumayas sa puwesto, pagkatapos ng sunud-sunod na insidente ng pagnanakaw ng kanyang mga tauhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ilan sa mga nakakahiyang insidente ng pagnanakaw ng OTS personnel ay ang paglulon ng nawawalang $300 ng isang pasahero, at ang pagdukot ng ilang gamit sa bagahe ng isa ring pasahero, na kapwa nahagip ng CCTV camera.
Pero may hirit ang opisyal na taasan ang sahod ng mga OTS personnel, gawin nang regular ang mga ito, hindi job order lang!
Ibig bang sabihin kaya nagnanakaw ang mga taga-OTS ay dahil maliit ang kanilang suweldo? Eh bakit ang mga opisyal ang lalaki ng suweldo nagnanakaw parin?
***
Ang Laguna na yata ang lalawigan na sobrang talamak ang mga iligal na sugal pati droga. Ano bang ginagawa ng mga pulis dito? Baka naman sila ang nasa likod ng mga iligal na ito? Nagtataka lang po tayo…
Sabi nga, magkano kaya rito ang tanggapan ng Regional Police Office at kanyang mga provincial, city at municipal chiefs of police?
Brigadier General Carlito M. Gaces, Sir!, yung PD n’yo sa Laguna mukhang natutulog sa kangkungan o baka nabulag na sa laki ng mga parating mula sa mga iligalista? Aksyon!
***
Inatasan ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr ang Department of Agriculture na unahin ang mga daanang nag-uugnay sa mga sakahan at pamilihan upang matiyak na naaayon ang mga ito sa Farm-to-Market Roads National Plan.
Say ni PBBM, dapat pag-aralan ang mga kailangan at siguruhin ang magandang kondisyon ng mga kalsada para mas mapabilis ang daloy ng mga produkto at serbisyo sa bansa.
Maganda ang gustong mangyari ni PBBM. Kaso iba ang ginagawa ng kanyang mga opisyal kasabwat ang mga politiko. Palpak ang mga proyekto, pinagkakitaan lang! Kaya dapat maging mahigpit ang pag-inspection sa mga proyekto lalo sa mga liblib na lugar.
Tulad sa aming lalawigan ng Romblon partikular sa isla ng Tablas. Napakaraming ginawang kalsada sa kabundukan na hindi naman madaanan dahil ubod ng tarik hanggang sa tubuan nalang ng mga damo at magkaroon ng nga “sapa-sapa” sa gitna na naging daanan ng tubig kapag umuulan.
Dapat bago gumawa nitong mga Cross Country Roads ay ayusin muna ang main roads at talagang mga daan para sa mga sakahan, hindi yung sa kabundukan na walang gamit!
Ang ipinagtataka pa natin dito ay kung paano ito naaaprubahan ng inspector ng DPWH at ng Commission on Audit (CoA) na obviously ay mga walang gamit na proyekto kundi pinakakitaan lang, waste of taxpayers money. Pwe!!!