Advertisers
Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na tiyaking nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mga nasa grassroots at mahihirap na pasyenteng higit na kailangan ang suporta ng gobyerno.
Binanggit ni Go ang operasyon ng Malasakit Centers alinsunod sa batas, patuloy na pagtatayo ng marami pang Super Health Centers sa mga estratehikong lokasyon sa buong bansa, at ang maayos na pagpapatupad ng isinabatas kamakailan lang na Regional Specialty Centers Act.
“Sa inyong palagay, nakatutulong ba ang Malasakit Centers sa mga mahihirap nating kababayan? At hindi ba napababayaan ang mga pasyente?” tanong ni Go sa pagdinig ng Commission on Appointments sa ad interim appointment ni Health Secretary Herbosa na pinangunahan mismo niya.
Bilang tugon, binigyang-diin ni Herbosa na malaking bilang ng mga pasyente ang pinaglilingkuran sa Malasakit Centers.
“Ang pinakamarami dito sa NCR, almost 607,000 at more than 200,000 sa iba’t ibang region. Almost every region is over 100,000-200,000 patients served,” ani Herbosa.
Binanggit niya ang department memorandum na nilagdaan kamakailan ni Herbosa na nag-uutos sa mga medical center chief na siguruhing ang lahat ng pasyente ay dapat mabigyan ng karampatang serbisyo sa Malasakit Centers.
Sinabi ni Go na sa tuwing bumibisita siya sa mga Malasakit Centers ay pinakikiusapan niya ang mga social worker huwag pabayaan ang mga mahihirap na pasyente.
Ang Malasakit Centers ay binubuo ng iba’t ibang ahensyang nag-aalok ng medical assistance programs, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), DOH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Na-institutionalize ang Malasakit Center sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na pangunahing inakda at itinataguyod ni Go.
Ayon sa DOH, mahigit 7 milyong indigent patients na ang nakinabang sa 159 Malasakit Centers na itinatag sa buong bansa.
Tinalakay din ni Go ang kahalagahan ng Super Health Centers, mga pasilidad na ang serbisyo ay kinabibilangan ng consultations, laboratory tests, at minor treatments.
“Kung nandiyan ang primary care, (magkakaroon ng) early detection… meaning… hindi lumala ang sakit at maagapan ito. It will also help decongest the hospitals,” paliwanag ni Go.
Sinabi ni Go na ang mga libreng konsultasyon na pinangangasiwaan ng mga municipal health offices, LGUs, at PhilHealth sa pamamagitan ng Konsulta program nito ay maaaring isagawa sa Super Health Centers.
Naging instrumento si Go sa pagtutulak ng sapat na pondo upang matiyak na mas maraming Super Health Center ang maitayo sa buong bansa. May 307 Super Health Centers ang napondohan noong 2022 sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go at sa tulong ng mga LGU, DOH at mga kapwa mambabatas, at 322 pang Super Health Center noong 2023.
Tinanong ni Go si Herbosa kung magkakaroon ng sapat na pondo para sa tuluy-tuloy na operasyon ng Malasakit Centers at Super Health Centers.
“We will assure the Commission na talagang tutulungan natin ang mga mahirap at nangangailangan using all the funds given by the Department of Health,” ang sagot ni Herbosa.
“Huwag po natin silang pahirapan. Marami po sa mga kababayan natin sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas na walang sariling health facility. Kaya importante na mailapit natin ang serbisyong medikal mula gobyerno sa mga taong nangangailangan nito,” ayon kay Go.
Sinuspinde ng CA ang kumpirmasyon ni Herbosa bilang Health Secretary dahil sa “kakulangan ng sapat na oras”. Ang Kongreso ay nakatakdang magpahinga at muling babalik sa Nobyembre.