Advertisers
Ni NICK NANGIT
ETO na po! Mula nang pumanaw si Mame noong 2018, na sinundan naman ni Dade noong 2021, huminto na po ako sa pagtugtog ng piano sa publiko.
Kumbaga, sa dami ng alaala ko noong nabubuhay pa sila – si Dade na lagi akong pinatutugtog kapag may bisita kami sa bahay at siya mismo ay tumutugtog din, at si Mame naman na alam ninyong away-bati kami pagdating sa radyo niya, pero kalaunan ay ipinag-iingat na niya ako sa paggamit ng aking mga kamay – ayoko na pong tumugtog, maliban dun sa mangilan-ngilang handog kapag Kapaskuhan sa aking Nickstradamus Nickstradamus channel sa YouTube.
Subali’t, nahikayat akong magbalik ng pinakamalalapit kong kaibigan, matapos ang limang taon, sa entablado, upang pasadahan muli ang teklado sa loob ng isang oras mahigit na libreng konsyerto.
Kasabay din ng pagtatanghal kong ito ang ika-dalawampung taon mula noong una akong nagtugtog sa publiko na ginanap kasama ang Manila Symphony Orchestra sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Isang konsiyerto ito na isinulat ni Mozart.
Bukod sa mga solo kong tutugtugin na piyesa sa kaganapang ito, makakasama ko rin ang ilang piling manlilikha sa larangan ng pagtutula, pag-awit, pagpipinta, at pagtugtog sa wikang Filipino, Bisayá, at Ingles.
Nandiyan ang Mecosono String Quintet na sasamahan ako sa isang medley ng sikat na pelikula noong 2016 na nanalo sa parehong Oscars at Golden Globe.
Maririnig ninyo rin kami sa premiere ng isang piyesang sinimulan ng isang manlilikhang Inglatero noong 1920s at natapos nito na lamang 1950s.
May sasabay pa sa akin na magpipinta, pagkatapos bigkasin ng mga sikat na mambabasa ang iba’t ibang uri ng tula, lalo na’t yung isinulat ng isang Ramon Magsaysay Awardee.
Tamang tama ang fusion na ito ng musika at sining bilang bahagi ng pagdiriwang ng Museums and Galleries Month sa Oktubre.
Marami kayong maririnig na piyesa na aantig sa inyong mga damdamin dahil sasariwain natin ang mga alaala ng ating kabataan, magulang, kaibigan, pagibig, kalikasan, at pagkamakabayan.
Gaganapin ang Timeless sa ika-28 ng Oktubre 2023, Sabado, alas-3 ng hapon sa world-class na Manila Clock Tower Museum (o MCTM) sa Manila City Hall. Ang dating gumuhong gusali na winasak noong ikalawang digmaang pandaigdig, dahil idineklara ang Maynila na Open City, ay binuhay muli ni Mayor Honey Lacuna at lalong pinaganda ng curator nitong si Dr. Elba Cruz.
Libre po ang konsiyertong ito, free seating, walang dress code, at free parking din, handog ng Lungsod ng Maynila, ng Kagawaran ng Turismo, Kultura, at Sining ng Maynila (o DTCAM), ng Museo de Pacis Gallery, at ng 3PM Pilipinas Muna.
Share ninyo ito, para mas maraming makaalam at makanood, bukod pa sa inyong pamilya at mga kaibigan. Susubukan nating makuhaan ito ng bidyo at mai-upload sa aking channel, para sa kapakanan ng mga OFW Kabunganga Nicksters, subali’t iba pa rin ang LIVE acoustics ng nasabing makasaysayang museo.
Maaari kayong mag-sponsor para sa video at audio recording ng Timeless sa pamamagitan ng pagpapadala sa BPI Account o GCash na nakapaskil sa mga socmed accounts, at kikilalanin po kayo sa mismong event at sa mga isusulat sa tri-media.
Huwag palalagpasin. Buhayin natin muli ang sining at kultura ng ating bansa na kayang kayang tapatan ang mga likha ng dayuhan. Mahalin natin ang sariling atin at ang musikang Pilipino.
Hanggang dito na muna, Light Love and Life, Namaste!